ANG PARI: KASANGKAPAN NG KALIGAYAHAN NG DIYOS

HOMILY OF FR. RAMIL

FOR FR. ANGEL SANCHEZ’ THANKSGIVING MASS

dec 12, 2010, gatchalian, paranaque city, 10am

Iba’t ibang antas ng kaligayahan

May mga taong mababaw ang kaligayahan. Basta may pagkain, masaya na. basta may inumin, kuntento na. Tulad ng mga bata sa simpleng mga pamilya, bigyan mo lang ng bente pag namamasko, tiyak bida ka na. Tulad ng mga nabunot natin sa kris kringle, ibili mo lang ng pinakasimple at pinakamurang regalo, magpapasalamat na. Ganyan ang mga taong mababaw ang kaligayahan.

Pero may mga tao din na mahirap paligayahin: sila yung mga mahal ang ngiti. Sila yung class ang taste. Nakakatakot regaluhan o bigyan ng anuman dahil hindi lang presyo ang titingnan kundi titingnan din kung may quality ang iyong ibinigay.

Iba’t iba ang antas ng kaligayahan ng mga tao. Merong madaling paligayahin. Merong mahirap pasayahin.

Gaudete Sunday at Bagong Pari

Napakagandang okasyon po ngayon para pagnilayan ang kaligayahan. Dahil sa kalagitnaan ng Adbiyento, idinaraos natin ang tinatawag na Gaudete Sunday, o Linggo ng galak, ng kaligayahan, ng tuwa. Kaya nga, ang mungkahing suot ng pari ngayon ay pink o rose color sa halip na violet o purple.

Ang tawag sa atin ng ating mga pagbasa at ng buong Eukaristiya: halina at magsaya!

Hindi mahirap magsaya sa araw na ito dahil bukod sa Gaudete Sunday, bukod sa malapit na ang Pasko, ngayon ay nagdiriwang tayo ng pagsibol ng isang lingkod ng Diyos, ng pagsisimula ng bagong paglilingkod, ng isang bagong pag-aalay.

Narito tayo at natipon upang papurihan ang Panginoon at ipahayag ang pagbati sa bagong pari na si Rev Fr Angel Sanchez. Palakpakan po natin si Fr. Angel.

May “father” na tayo, may “angel” pa! Dobleng biyaya!

Ano ang kaugnayan ng pari sa Adbiyento, sa paghihintay sa pagdating ng Panginoon. Natural, hindi natin maihahambing ang pari sa Panginoon. Ang pari ay mananatiling alipin ng Panginoon, laging naka-abang sa bawat kilos at utos ng Diyos. Ang pari ay palaging alagad lamang.

Subalit sa pagsunod sa Diyos, ang pari ay kasangkapan ng kagalakan ng Diyos, kagalakan na siya ring bumabalot sa mga araw na ito bago dumating ang Pasko.

Pari bilang kasangkapan ng galak

Paano ba nagiging kasangkapan ng galak ang isang pari? Marami kayong kilalang pari. May pari na laging nagpapatawa, laging may jokes at biro. May paring hindi makausap nang seryoso dahil para bang lahat ng bagay ay laro lamang. May paring malakas tumawa at ipahahalata sa iyo na nariyan siya sa pamamagitang ng malutong na mga halakhak.

Subali ang kagalakan ay walang kinalaman sa tawa’t halakhak. Maari kang magpangggap na maligaya sa pagtawa subalit hindi mo kayang peke-in ang kagalakan. Dahil ito ay kaloob ng Espiritu Santo.

Sa puso ng bawat pari, doon namamayani ang kagalakan. At mula sa puso ng pari, magmumulang dumaloy ang kagalakang ito.

Sa Pilipinas, masaya ang mga tao kapag nakakita sila ng pari. Natutuwa sila kapag nalaman nilang ang isang tao ay pari. At nag-uumapaw ang kanilang kagalakan kapag kinausap sila ng pari, dinalaw sila ng pari, binendisyonan sila ng pari at ipinagdasal sila ng pari.

Ang pari ay kasangakapan ng kagalakan kapag inihahatid niya sa iba ang kagalakan ni Kristo!

May kuwento tungkol kay Mother Teresa na minsang nagpunta sa Pilipinas ay sinalubong ng isang pari at ibinalita sa kanya ng pari na siya ay nahirang na bagong Obispo. Humingi ang pari ng payo kay Mother Teresa. At ang sagot niya ay ganito: Be a happy bishop.

Ibig sabihin, sa iyong paglilingkod at sa iyong buong buhay, ipalaganap mo ang saya na nagmumula sa Panginoon.

Alam ko masaya ka ngayon Fr Angel dahil natupad na ang pangarap mo, pero tandaan mong hindi ka naging pari para maging masaya ka. Naging pari ka para maging masaya ang mga taong paglilingkuran mo.

Ang daming taong gumigising ngayon na malungkod at natutulog din namang masama ang loob. Ang daming taong naghahagilap ng kabuluhan na hindi naman nila masumpungan. Ang daming tuliro, ang daming hirap sa buhay.

Lalapitan mo sila Father. Hahanapin mo sila Father, upang kahit papaano, makatulong ka sa pag-usbong ng ligaya sa kanilang puso.

Ngiti bilang sandata

Fr. Angel, meron kang isang sandata na maaari mong gamitin sa buhay mo, at ito ay walang iba kundi ang ngiti.

Gusto ng mga tao ang paring pala-ngiti. Ngumiti ka palagi sa kanila Father. Kahit mahirap ngumiti. Kahit nakakapagod ngumiti. Kahit minsan ayaw mo ngumiti. Basta wag lang plastik na ngiti, ngiting aso, ngiting balatkayo.

Sa Ebanghelyo, si Juan bautista ay naninimdim dahil siya’y nasa piitan at malapit nang magduda at maguluhan. Subalit nagpadala siya ng mga tao kay Hesus: Ikaw na ba ang mesiyass?, tanong nila. Ang sagot ni Hesus ay mga salitang nagbigibgay pag asa at saya: ang mga bulag nakakakita, an mga pipi nagsasalita na, ang mga lumpo ay naglalakad.

Masayang sinalubong ni Juan ang kamatayan niya dahil sa maligayang mensahe ng Panginoong Hesus sa kanya.

Tulad ni Juan bautista, maraming balakid, pagsubok at tuksong daranasin. Manatili kang nakangiti. Tularan mo ang ngiti ni Hesus at ibahagi mo ito sa iba.

Mga magulang

Mga magulang ni Fr. Angel, at sa kanyang kapatid, kayo din ay kasangkapan ng kaligayahan. Wala kaming ipagdiriwang kung hind ninyo ibinigay sa amin ang inyong anak. Hindi madali dahil 2 lang sila. Hindi madali dahil ang daming sakripisyo ang dinanas ninyo habang hinihintay ito. Pero patuloy ninyo siyang ibinigay sa Panignoon at sa simbahan. Salamat po! Palakpakan natin ang Sanchez family.

May isang tagpo na hindi ko makalimutan mula sa isang programa sa tv na nagbibigay ng pamasko sa mga mahihirap na tao. Isang bata ang may pagkakataong magkaroon ng pamaskong gusto niya.

Ang kuya niya ay nagkasakit ng cerebral palsy. Natigil ang pag-aaral ng batang babaeng ito dahil walang mag-aalaga sa bunsong kapatid na bagong panganak samantalang ang nanay niya ang nagbubuhat sa ospital sa kuya niya. Galing sila sa probinsya at nandito sa Maynila para magbaka-sakali na may tutulong sa kuya niyang gumaling.

Wala siyang damit at sapatos at mga libro. Subalit ng tinanong siya ng crew ng tv program, ano ang wish mo sa Pasko, ito lamang ang sagot niya: gusto ko po ng wheelchair para sa kuya ko, para maipasyal namin siya sa Maynila. Gusto ko po ng wheel chair para hindi na mahirapan ang nanay ko sa pagbubuhat sa kuya ko.

Iyan ang tunay na kaligayahan. Kung hindi sarili ang isasa-alang alang kundi ang kabutihan ng iba.

Iyan ang kaligayahang natagpuan ni Fr. Angel kay Hesus na punong-pari. Iyang ang aasahan ng bayan ng Diyos na kaligayahang dadalhin mo sa buhay ng mga tao.

Sa iyo, Fr Angel, mayroon na kaming pari, may angel pa. at happy Father Angel pa! congratulations. be our happy, joyful priest!

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS