BUMABAHA NG KAGALAKAN
For the thanksgiving Mass of newly-ordained Fr. Kris Habal, Archdiocese of Manila
Masaya ba kayo ngayon? Lahat ng masaya, itaas ang kamay. Lahat ng masaya, pumalakpak ng malakas.
Masaya po akong naririto ngayon. Masaya din kayong natitipon sa Misang ito. Ang simoy ng hangin dito sa inyong parokya ay ubod ng saya at galak. Bakit? Kasi ganyan naman talaga ang dapat maging karanasan ng mga sumusunod sa Panginoon. Opo, hindi maiiwasan ang mga pagsubok. Hindi mauubos ang problema sa buhay. Hindi mapuputol ang mga dalahin ng puso at isipan. Subalit dahil nagsisikap tayong sundan ang ating Panginoon, lahat ng ito, masaya at payapa nating dinadala.
Ang gabay natin sa kasiyahan ng araw na ito ay ang mismong mga pagbasa na ating narinig. Sa unang pagbasa, sabi ni Isaias, ang Diyos ay naghahanda ng isang marangyang piging. Sa salmo naman, sabi sa atin, dahil ang Panginoon ang ating pastol, umaapaw sa kasaganaan ang ating kopa. Sa ikalawang pagbasa, napakagandang pakinggan ang pangako ni San Pablo: my God will supply all your needs. At sa ebanghelyo, isang hari ang naghanda ng isang malaking pagdiriwang para sa kasal ng kanyang kaisa-isang anak.
Tila nagkasundo lahat ng pagbasa para ganyakin tayong magsaya at magalak sa Panginoon.
Napakalaking bagay ang turo na ito lalo na sa ating panahon ngayon. Marami kasing tao ang akala ay kapag nagsimba ka, kapag lumapit ka sa Panginoon, kapag naglingkod ka sa simbahan, magiging malungkot ang iyong buhay. Maraming mga kabataan at maging mga katandaaan na pilit umiiwas sa paglapit sa Panginoon kasi akala nila wala ditong excitement at adventure. Kaya may mga taong kilala natin, kahit pasabugan mo ng dinamita, ayaw magsimba, ayaw maglingkod, ayaw lumapit sa Diyos.
Subalit ang tunay na larawan ng pananampalataya ay isinasaad sa atin ngayon. Ang buhay Kristiyano ay masaya. Ang buhay Kristiyano ay payapa. Ang buhay Kristiyano ay matiwasay at masagana dahil sa bumabalong na awa at pag-ibig ng Diyos. Ang dulot ng Diyos ay biyaya at buhay na walang-hanggan.
Ang taong umiiwas sa Diyos, ang taong tumatanggi sa Panginoon, mayroong kulang sa buhay at puso – iyan ay walang iba kundi ang tunay na kagalakan.
Kayo ay buhay na patunay na ang buhay na ginagabayan ng pananampalataya ay buhay na laging kapiling si Hesus.
Iyan ang kagalakang nababasa natin sa mukha ng ating kapatid na nasa harapan natin ngayon. Iyan ang damdamin na namamayani sa puso ng kapatid nating nangunguna sa Eukaristiyang ito. Kaya tayo masaya ngayon ay dahil may pinagmumulan ang ating saya. Ang malaking biyayang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos.
Mga kapatid, si Bro Kris ay Fr. Kris na ngayon. Ang inyong kababayan ay umuuwi sa kanyang parokya na isang ganap na pari. Palakpakan natin ang bagong pari, si Fr. Kris. Palakpakan din natin ang kanyang mga magulang at ang buong pamilya.
Fr. Kris, ang mga pagbasa ngayon ay malaking hamon sa buhay ng isang pari sa panahon natin. Kabi-kabila ang mga trahedya ng buhay. Paggising ng tao sa umaga, masamang balita ang unang bumabati sa kanya. Pagtulog niya sa gabi, masamang balita ang kasama sa kanyang panaginip. Habang inoordenahan kayo noong Sabado, kasabay namang lubog sa baha, gutom at naghihintay ng tulong ang mga tao sa maraming lugar sa Pilipinas dahil sa magkasunod na bagyong nagdulot sa atin ng pinsala.
Dito pumapasok ang kahulugan ng pari. Ang pari ay ipinadadala ng Diyos upang bigyan ng galak at saya ang buhay ng kanyang mga kapatid. Ang pari ay isang buhay na tanda na laging kapiling ng mga tao ang Diyos sa katauhan ng isang tapat na naglilingkod at nagmamahal.
Noong kasagsagan ng bagyong Pedring at pagkatapos nito ang teribleng baha sa Calumpit, Bulakan, nakatanggap ako ng isang text message na ipinasa sa akin ng isang kaibigang born-again. Ang text message ay isang prayer brigade na galing sa parish priest ng Calumpit. Sabi niya: ipagdasal po ninyo ang mga tao rito. Kapag lalong tumaas ang baha, tiyak maraming mamamatay. Ipagdasal ninyo kami.
Nag-imbestiga ako upang malaman kung totoo ngang galing sa paring ito ang text message. Ayon sa aking mga sources, noong maliit pa ang baha, humahakot ng relief goods sa katabing bayan, Plaridel, ang paring ito para sa kanyang mga parishioners. Pero noong tumaas nang tumaas ang baha, pati siya naipit na sa bayan ng Calumpit at habang naghihirap ang mga tao, hindi niya iniwanan ang kanyang mga pinaglilingkuran. Hindi siya perpektong tao, hindi siya ang pinakamagaling na pari sa mundo, subalit pinatunayan niyang mahal niya ang mga taong ipinagkatiwala sa kanya ng Panginoon. At dahil diyan, dinala niya ang mensahe ng kagalakan sa buhay ng lahat.
Fr. Kris, ito ang isang malaking atas sa pari, to be a minister of Joy! Maging sisidlan ng kagalakan na ipamamahagi sa iba. Hindi madaling hamon sa isang bagong orden. Malaking hamon sa isang paring tila isang maliit na bata pa.
Siguro nagtataka ka. Bakit ako? Ito rin ang tanong ng marami. Bakit nga ba ikaw? Bakit siya at hindi ako ang tinawag? Bakit sa pamilya nila at hindi sa amin nagmula ang bagong pari?
May kausap akong babae noong Huwebes na ang tanong sa akin: Fr. walo po ang anak ko at lima ang lalaki. Gustong-gusto ko na magpari kahit isa. Wala man lamang kinuha ang Diyos.
Sa ebanghelyo natin ngayon ang sabi sa huli: many are called but few are chosen.
Many are called. Maraming tinatawag. In fact, lahat tayo, tinatawag maging banal, tinatawag makibahagi sa piging, sa kasalan ng Panginoon. Lahat tayo dito, inaanyayahan ng Panginoon na maging lubos ang ating kagalakan.
But few are chosen. Kaunti lang ang pinipili para sa natatanging misyon. Lahat tayo may misyon. Pero si Fr. Kris, may natatanging misyon na itinalaga sa kanya ng Panginoon. ang misyon na maghatid ng ligaya at galak sa puso ng kanyang mga kapatid kay Kristo.
Kung ako ang tatanungin, meron akong sagot sa tanong na bakit ikaw, Fr. Kris ang pinili? Kilala ko po si Fr. Kris sapagkat ako ang kanyang unang spiritual director nang halos apat na taon sa seminaryo, noong nagsisimula pa lamang siya.
Napakabait na bata, masipag at matalino, seryoso sa panalangin at malalim ang pananampalataya, masayahin, marunong makisama. Sanay magmahal.
Hindi ko makakalimutan na noong ako’y paalis na sa seminaryo upang mag-parokya, marami akong maiiwan na mga seminaristang spiritual directees ko. Dapat silang pumili ng bagong director at ang marami sa kanila’y nakiusap na ako pa rin sana ang spiritual director nila. Dahil hindi puwede, kailangang sumunod sila sa utos ng mg pari.
Minsang dumalaw ako sa seminaryo, nagdasal ako sa chapel. At paglabas ko, naroon at naghihintay si Kris. Niyakap niya ako nang mahigpit at umiiyak sa aking balikat. At ang sabi mo noon: sabi nila father, hindi ka na puwedeng maging spiritual director ko. Nalulungkot ako.
Ang sagot ko naman: sumunod ka sa sinasabi nila. At ang sabi niya: Opo.
Doon ko naranasan ang pagmamahal ng isang seminaristang may kaugnayan sa akin. At ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Panginoon.
At nito lamang nakaraan buwan, nagpista sa aming parokya at tatlong araw na mataas ang aking presyon sobrang pagod at sobrang hilo. Naghahanap ako ng tutulong magbinyag sa 103 sanggol, pero wala akong makita. Naalala ko na pwede nang magbinyag si Kris kaya, nag-text ako sa kanya. Walang kiyeme, walang pasubali, agad siyang sumagot: opo, darating ako.
Fr. Kris, pinili ka ng Diyos dahil may nakita siyang kakaiba sa puso mo. Tanging siya lamang ang nakakaalam kung bakit ikaw, subalit medyo alam na rin naming ang dahilah.
Nang araw na naging pari ka, bumaha sa maraming bayan. Pero higit na mas malaking baha ang naranasan naming lahat. Bumaha ng kagalakan dahil nagbigay sa amin ang Diyos ng isang napakabuting pari. Hanggang ngayon bumabaha pa rin ng biyaya dahil kasama ka naming. Mahal ka ng Diyos. Mahal ka naming lahat.
Comments