PASKO NG MULING PAGKABUHAY, B
ANG UNANG SAKSI
Sa Pagkabuhay, ipinahahayag natin ang sentro ng
ating pananampalataya – na si Hesus na ipinako sa krus at namatay ay buhay na
muli! Aleluya! Kristiyano tayo
dahil sa pananampalatayang ang Anak ng Diyos ay makapangyarihan laban sa
kasalanan at kamatayan. Umaasa tayong magiging kaisa tayo ng kanyang tagumpay
mula sa mga mapapait na karanasan ng ating paghihirap at dusa na kaakibat natin
sa ating landas ng buhay.
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, habang sinasariwa natin
ang himalang ito, inaalala natin mula sa Mabuting Balita (Jn 20:1-9) ang isang
nakakatuwang katotohanan. Nabuhay si Hesus at si Maria Magdalena ang unang
saksi.
Ang daming puwedeng unang makakita sa kanya. Bakit
hindi si Pedro at ang mga alagad? Bakit hindi ang mga Pariseo at eskriba upang
maniwala sila? Bakit hindi ang mga Romano para magsisisi sila? Bakit hindi ang
mga Hudyo upang mapawi ang pagdududa?
Pero kay Maria Magdalena, isang babaeng dating nasa
kamay ng masasamang espiritu, nagpakita ang Panginoon. Bilang babae, walang
saysay ang kanyang patotoo sa batas ng mga Hudyo. Bilang dating inaalihan ng
demonyo, sino ang maniniwala sa kanya? Subalit bakit siya pinili ni Hesus na
unang saksi ng kanyang maluwalhating katawang nabuhay na mag-uli?
Napapansin mo ba dito, na sa sandali pa lamang ng
pinakadakilang himalang ito, ang pag-ibig ni Hesus para sa mga mahihina, mga
mababang-loob, mga makasalanan, at mga pinakamaliit? Kahit sa Pagkabuhay, nagtiwala agad si Hesus sa mga taong
walang maipagmamalaki, upang gawin silang kasangkapan ng pagpapahayag na siya
ay buhay nga!
Mapagpakumbabang inamin ni Maria na kailangan niya
si Hesus. Tanggap niya ang kanyang kawalang halaga. Kaya ginawa siyang mabisang
saksi ng Panginoon. si Maria ay isang taong pinatawad at iniligtas, at dahil
dito, lalo niyang naranasan sa kanyang buhay si Hesus, na ngayon ay ipapahayag
niya bilang Nabuhay mula sa kamatayan.
Naranasan mo ba si Hesus sa iyong buhay lalo na
nitong nakaraang Mahal na Araw? Inialay mo ba sa kanya ang iyong buhay tulad ng
ginawa ni Maria? Batid mo bang siya ang iyong Tagapaglitas at Panginoon? Kung
gayon, tulad ni Maria, ikaw ay kasangkapan ng Panginoon sa pagbabahagi ng
himala ng kanyang pagmamahal.
Kahit sa Pagkabuhay, si Hesus ay pumipili ng mga
hindi perpektong mga tao, para bigyan ng misyong ipahayag ang kanyang
kapangyarihan at biyaya. Salamat Panginoong Hesus! Papuri sa iyong Muling Pagkabuhay! Aleluya!