LINGGO NG PALASPAS, K
-->
ANG KAIBIGANG
KALAKBAY DIN
Ano ba talaga ang kailangan ng
isang nagdurusa?
Iyong maysakit ay
nangangailangan, higit sa gamot at therapy, ng isang dadalaw at makakaalala.
Iyong walang pag-asa at depressed
ay nagnanais, higit pa sa counselor, ng yakap ng isang tunay na kaibigan.
Ang pulubi sa lansangan ay gusto,
higit pa sa barya at tinapay, ng isang hihinto at kakausap sa kanya bilang
isang tao at hindi isang bagay na kinaaawaan lang.
Ang isang iniwan o inapi ay
nagdarasal, higit pa sa ginhawa at katarungan, ng isang hahawak sa kanyang
kamay at hihilom sa kanyang sugat.
Ang isang nagdurusa ay
nangangailangan ng kapwa tao. at ito din ang pinakamahirap hanapin kapag
nagdurusa ka. Walang dumadalaw. Walang tumatawag. Isa-isang nawawala ang mga
kamag-anak at kaibigan.
Ang pagdurusa ni Hesus ay
maipapaliwanag lamang bilang tugon ng Diyos sa pagdurusa ng kanyang mga
minamahal. Sa paghihirap na dulot ng sakit, pangungulila, kawalang-pag-asa at
lalo na, kasalanan, naroon din ang pangangailangan sa presensya ng isang
kaibigan, kapatid, nagmamalasakit at nagmamahal.
Nabasa natin o narinig ang kamatayan at paghihirap ni Hesus
sa mabuting balita ngayon. Dinaanan niya lahat ito dahil sa puwang sa puso na
dulot ng ating mga paghihirap. Dahil nais niyang punuin ang puwang na ito. Siya
ang kaibigang kailangan natin, ang kapatid na inaasam, ang tagahilom na
hinihintay, ang Tagapagligtas na nagpapatawad, ang Diyos na sanay maglakad
kasama ng mga tao.
Sa paghihirap ni Hesus, may mga taong nakakagulat, subalit
naging presensya din para sa kanya. Si Simon na nagbuhat ng krus, ang mga
babaeng sumusunod at umiiyak. Si Maria, ang kanyang Ina, na hindi siya iiwan
kailanman. Sila ang nagpuno ng kulang sa puso niya sa oras na iyon.
Panginoon, sa aking mga pagdurusa, kailangan ko ng isang
kamay na kakapitan, salitang magpapalakas ng loob, pag-asang bukal sa puso. Salamat
po at nariyan ka para sa akin, nag-aalay ng buhay. Kahit ako ay naghihirap,
tulungan mo po akong maging kalakbay at kapiling ng iba pang naghahanap ng
pagmamahal at pagmamalasakit. Amen.