IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A


MALAYANG NGUMITI



 

Sino po iyang babae sa picture sa itaas? Siya ang unang pumasok sa isip ko nang mabasa ko ang mga pagbasa natin ngayong Linggo (Jer 20: 10-13 at Mt 10: 26-33).

 

Siya si Asia Bibi, isang Katolikong Kristiyano mula sa Pakistan. Pero wala iyang matamis na ngiti na iyan ilang taon ang nakalilipas. Noong 2009 uminom lang siya sa baso na ininuman ng mga kapitbahay niyang Muslim. Hindi ito nagustuhan ng mga Muslim dahil bawal daw uminon ang Kristiyano sa parehong baso. Nagalit sila sa kanya at ginawan ng kasinungalingan at kuwento-kuwento.

 

Ini-report siya sa mga awtoridad na binastos daw niya ang pangalan ni Mohammad. Binugbog siya at inaresto, ikinulong, at nasentensyahan ng kamatayan sa pamamagitan ng bigti. Kung hindi sa foreign media, tapos na sana ang buhay niya.

 

Matapos ang 10 taon, napatunayang wala siyang sala pero nais pa rin ng mga Muslim na patayin siya. Kaya kailangan siyang umalis sa kanyang bansa sampu ng kanyang pamilya, para sa kanilang kaligtasan.

 

Bakit nagdusa ng pisikal, emosyonal, espirituwal na paghihirap si Asia? Dahil lamang sa pagiging Kristiyano at sa paninindigan niyang isabuhay ito sa harap ng mga kasamaang ginawa sa kanya.

 

Alam ba ninyo na ngayon sa panahon natin, kayraming mga Kristiyano ang nagdurusa, inuusig at pinahihirapan dahil sila ay Kristiyano? Opo, Katoliko, Protestante, Ortodox.

 

Tulad ng propeta Jeremias na inusig din, ang tiwala at pag-asa ng mga Kristiyanong ito ay ang pangako ng Panginoon:

 

“Awitan ninyo si Yahweh,

siya'y inyong papurihan,

sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan.”

 

Ang ilan sa mga kapatid nating ito ay nakakaligtas tulad ni Asia, pero marami ang nakakulong, nagdurusa at namamatay na walang balita, nakakalimutan lang ng mundo. Subalit kung tutuusin, hindi ba sila ang tunay na saksi ngayon ng Panginoong Hesus sa ating simbahan at sa mundo?

 

Ipinahayag din ng Panginoon na susubukin ang ating pananampalataya at magbibigay tayo ng patotoo sa ating pananalig sa kanya. Kailangan tayong maging matatag, nakakapit sa kanya. Ang pangako niya:

 

“Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

 

Si Asia na ikinadena sa leeg habang nasa kulungan, ay nagsabi: “Sa piitan, lagi akong nakakapit kay Kristo. Salamat sa kanya at nanatili akong matibay. Huwag tayong matakot.” Ngayon, ni walang bakas ng suklam o poot sa kanya laban sa mga yumurak sa kanyang pagkatao. Inialay niya sa Panginoon ang kanyang mga paghihirap at ginamit siya ng Panginoon upang maging kasangkapan ng pag-ibig sa lugar na napakahirap makita ang pagmamahal at paggalang sa tao.

 

Tayo kaya? Paano natin ipinapakita ang ating tiwala at pananampalataya sa Panginoon? Walang pag-uusig ng mga Kristiyano dito sa ating bansa. Pero araw-araw tayong inaanyayahan na maging saksi kay Kristo sa mundong ito.

 

Isinasabuhay ba natin ang pag-ibig at pagsunod sa kalooban ng Diyos? Bilang tagasunod ni Kristo, tumatanggi ba tayong maging sinungaling, madamot, sakim, taksil, puno ng galit at walang pakialam sa kapwa? O lagi ba tayong kapit sa Panginoon sa bawat pangangailangan at lalo na sa bawat pagsubok?

 

Ngayon pinaaalala sa atin na may mga Kristiyano palang nagdurusa sa pagiging Kristiyano. Ipagdasal natin ang mga Kristiyanong pinag-uusig, ang mga persecuted Christians. Alamin natin ang kuwento ng kanilang pinagdadaanan. Kung maaari, tumulong tayo sa anumang paraan.

 

Hilingin natin sa Panginoon na maging tapat tayo sa kanya sa munti o malaki mang pagsubok at unos ng buhay, habang naniniwala na siya lamang ang tunay na kaligtasan at tunay na ligaya ng buhay!

 

Sa karagdagang impormasyon sa mga kapatid nating pinag-uusig dahil sa pananampalataya, silipin ang site na ito: https://www.churchinneed.org/

 

Paki-share sa kaibigan…

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS