IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
NADARAMA MO BA ANG TINIG NIYA?
Nagsasalita pa ba ang Diyos sa atin sa panahon ngayon?
Kasi, parang kailangan talaga natin minsan ang tahasang salita mula sa kanya di ba?
Kapag may pagpapasyahan tayo o kung nais lang nating mapanatag, tila ang sarap kung sigurado tayong ang direksyon na tinatahak natin ay ayon sa kaniyang kalooban.
Pero paano nga ba basahin ang isip ng Diyos o marinig ang kanyang tinig, o makita ang kanyang plano para sa ating buhay?
Sa Mabuting Balita (Mt 14), nakatanggap si San Pedro at ang mga alagad ng malinaw na tanda mula sa Panginoon. At talaga namang pampatibay loob at nakagaganyak ang tandang ito.
Naglakad si Hesus sa ibabaw ng tubig, sapat upang paniwalain ang mga alagad na sila ay nasa tamang landas. Kapiling nila ang Diyos. Totoo ang mga himala!
Muntik na rin si Pedro maging bahagi ng tanda. Halos nakapaglakad siya sa tubig, hanggang nalito siya at lumubog.
Ang ganda sana kung ganito kadali ang lahat. Dasal ka lang at ayan na ang milagro. Hingi ka lang at may tugon agad. Pero hindi; ngayon tulad ng dati pa man, ang mga himala ay di pangkaraniwang pangyayari. Ang mga nakagugulantang na pangitain ay bihira.
Subalit nagsasalita pa rin ang Diyos sa mga taong may sensitibong puso at may diwang nakatuon sa kanya, tulad ng karanasan ni Elias sa ating unang pagbasa (1 Hari 19). Ang tinig ng Diyos, ang kanyang presensya, ay naramdaman agad ni Elias hindi sa nakagugulat na paraan.
Dumalaw sa kanya ang Diyos at nakipag-usap sa kanyang puso sa pamamagitan ng isang pabulong na tunog, isang banayad na hangin, na halos di mapansin, maliban ng isang taong sensitibo at bukas sa kilos ng Diyos na dumarating sa pamamagitan ng maliit, mababa, at tila walang halaga.
Naalala ko tuloy ang isang babaeng kamamatay lamang ng asawa. Bilang biyuda, lagi niyang iniisip kung naalagaan ba niyang mabuti ang lalaki at kung nakarating na ba ito sa kapayapaan ng langit.
Isang gabi nakatulog siya na ito ang tanong sa isip at nagising naman kinabukasan na may text mula sa isang hindi kilalang sender.
Simple lang ang sabi sa text: “Umalis na ako upang maging masaya ka.” Natuklasan niya kalaunan na ang text ay mula sa isang kaibigan na tila nagkamali lang ng send sa kanyang phone.
Subalit ang mensahe ay tila nagbigay sa kanya ng kapayapaan na nasa maayos na lugar ang asawa at kaya dapat siyang maging masaya at payapa din.
Naalala ko din ang isang paring balisa sa kanyang buhay. Minsan dumayo siya sa isang malayong simbahan kung saan wala siyang kakilala upang magdasal.
Paglabas sa simbahan, isang batang puslit ang lumapit sa kanya, kinuha ang kanyang kamay, tinitigan siya sabay ang sabi ng “Padre” habang nagmamano sa kanya. At biglang talilis pagkatapos. Dahil hindi naman siya nakadamit pari at walang kakilala sa lugar na iyon, napagtanto ng pari na ang bata ay kasangkapan ng Diyos upang bigyan siya ng katiwasayan ng isip at kalooban.
Kung nais mong marinig ang tinig
ng Diyos, ihanda ang isang pusong sensitibo sa kanyang pagdalaw at maging bukas sa mga
munting paraan na ginagamit niya upang makipag-usap sa atin o magdala ng
kanyang mensahe sa ating situwasyon.
(Paki-share sa isang kaibigan…)
Comments