IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

 


NAKITA NILA ANG “TANDA”

JN 6: 1-15

 

thanks to fr tam nguyen!
 

 

Ang kaibigan kong Protestante ay kasamang nagsisimba ng kanyang pamilya na lahat ay Katoliko. Tumatanggap din daw siya ng Komunyon. Nagulat ako at tinanong ko siya kung naninwala siyang tinatanggap niya ang tunay Katawan at Dugo ni Kristo. Sagot niya, hindi daw ba “symbol” lang yun ng Katawan ni Kristo? Paano daw magiging tunay na Katawan ito ng Panginoon?

 

Hahalili muna ang Mabuting Balita ni San Juan sa mga pagbasa mula kay San Marcos para bigyang pansin ang tunay na kahulugan ng Eukaristiya para sa atin. Sabi sa Jn 6:14, matapos pakainin ni Hesus ang 5,000 katao, “nakita nila ang tanda.” Pagnilayan po natin ang pagkakaiba ng sagisag (symbol) at tanda (sign) ayon sa pagkakaunawang Katoliko (dahil minsan iba ang unawa ng mga tao).

 

Ang sagisag ay sumasagisag nga sa iba pang bagay; ito ay paalala ng ibang bagay. Ang puso ay sagisag ng pag-ibig pero hindi ito ang pag-ibig, di ba? Ang kalapati ay sagisag ng kapayapaan, pero iba pa talaga ang kapayapaan. Ang watawat ay sagisag ng bansa natin. Ang mga ito ay sumasagisag – o nagpapaalala at nagtuturo sa atin sa ibang bagay.

 

Ang tanda ay kakaiba. Taglay ng tanda kung ano ang nais nitong ipahayag. Ito na yun mismo. Ang singsing sa kasal ay tanda na huwag  ka nang sumubok manligaw dyan. Ang makapal na usok sa bintana ay tanda ng sunog sa bahay kaya takbo na.

 

Ang tinapay at alak sa Misa ang pinakamakapangyarihang tanda ng pagmamahal ng Diyos. Tanda ito ng kanyang presensya sa anyo ng karaniwang at simpleng bagay. Sa Huling Hapunan, ang Panginoon mismo ang nagsabi: Ito ang aking Katawan. Ito ang aking Dugo; hindi niya sinabing “sagisag lang ito” ng aking katawan at dugo. Malinaw iyan sa mga salita ng Panginoon.

 

Ang tinapay at alak ay hindi lang paalala; hindi lang nagtuturo sa atin kay Hesus kundi sa pamamagitan nito, tunay na narito nga si Hesus, buong-buo at walang duda. Narito siya, “present” siya sa paraang makapangyarihan, mahiwaga, espirituwal at sacramental (o sa pamamagitan ng mga tanda. Kaya nga ang sagot natin sa salita ng pari: Katawan ni Kristo, ay Amen, ibig sabihin, naniniwala po ako, sumasampalataya po ako, nagpapahayag po ako na kayo nga po, Panginoon, ang tinatanggap ko sa anyo ng tinapay at alak na ito.

 

Panginoong Hesus, bigyan mo ako ng biyayang tanggapin ka sa Komunyon na karapat-dapat, na mababang-loob at na puno ng pananalig. Pumasok ka sa aking katawan at kaluluwa at manatili sa aking puso bilang Panginoon at Diyos.

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS