DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AAKYAT SA LANGIT KAY MARIA
O MARIA, AKAYIN MO KAMI!
Ngayong Linggo ay Agosto 15 at nagugulat tayo bakit ang serye ng Mabuting Balita ukol sa Eukaristiya ay nagbibigay-daan sa pistang ito ng Mahal na Birhen. Kailangan natin ng paliwanag at pagninilay para diyan.
Una, ang paliwanag. Ang “dakilang kapistahan” ay isang pangyayaring ipinagdiriwang kahit tumapat sa Linggo, at humahalili ito sa karaniwang Misa ng Linggo, tulad ngayon. Kahit pa ang pamagat ng dakilang kapistahan ay bumabanggit kay Maria o sinumang santo, ang sentro nito ay si Kristo at may mahalagang mensahe ito tungkol sa Diyos sa pamamagitan ng santong pinararangalan. Ang kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit kay Maria ay katang-tangi dahil ito ay nagdiriwang ng isang “democratic” na aral ng ating Simbahan. Ang mga obispo sa buong mundo, na kumakatawan sa kanilang mga kawan, ang humiling sa Santo Papa noon na ideklara ang pag-aakyat sa langit kay Maria, buong kaluluwa at katawan. Ibig sabihin pala, ang turo at ang pista ay nagmulang diretso sa puso ng mga tao, sa kanilang simpleng pananampalataya.
Ngayon naman, ang pagninilay. Ang larawan ng pistang ito ay si Mariang maluwalhating iniaakyat sa langit palibot ng mga anghel at sinasabubong ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo. Subalit tulad ng buong buhay niya, inililihis ni Maria ang pansin mula sa kanyang sarili at itinuturo niya tayo sa Diyos. Sa Mabuting Balita makikita ang tunay na karakter ni Maria, ang dahilan kung bakit naniniwala tayong nasa langit na nga siya. Tuwing pupurihin si Maria, maging ng anghel o ng tao man, lumulutang ang kanyang kababaang-loob. Siya ay lingkod, alipin, bale-wala kung hindi dahil sa biyaya ng Diyos.
Sa awit ni Maria sa Mabuting Balita ngayon, inilalarawan ni Maria, hindi ang sarili, kundi ang Diyos na nagbunyag sa kanya ng pagmamahal. Ang Diyos ay mahabagin, banal, makatarungan, matapat at maaasahan. Si Maria ay “pinagpala” hindi dahil sa kanyang kabutihan kundi dahil sa dakila at mapagmahal na Diyos na ito!
At alam nating si Maria ay kumakatawan sa ating lahat. Kung ano ang naganap sa kanya ay magaganap din sa atin. Napili siya upang manguna sa atin sa landas. Kapag sumunod tayo sa landas na ito, matutuklasan natin ang kadakilaan ng Diyos at papasok sa kanyang kaluwalhatian. Pumasok sa Maria sa langit, una subalit hindi nag-iisa, dahil hinihintay niya tayong makarating doon pagdating ng panahon.
Manalangin tayong sa tulong ng Mahal na Birhen, matuto tayong magbawas ng sobrang tiwala sa sarili, maglagay ng higit na tiwala sa Diyos lamang, at magsikap na mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Mahal na Bihen, ipanalangin mo po kami.
Comments