IKA 31 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
KAPAG ANG DIYOS ANG
PUMASOK SA PUSO
Ngayong Linggo, sa Ebanghelyo, pumasok si Hesus sa bahay ni
Zaccheo na isang makasalanan at iniiwasan ng kanyang kapwa tao.
Ano ang kahulugan kapag “pumasok” si Hesus sa tahanan ng
isang tao.
Una, kitang kita natin ang pananabik ng Diyos sa pagpasok na
ito ni Hesus. Plano niya ang
pagdalaw na ito. Gusto niyang
gawin ang bagay na nakakagulat sa isang taong hindi nag aakala. Siguro
inaasahan ni Zaccheo na tiyak kagagalitan siya ng Panginoon, sesermunan,
sisitahin. Pero hindi, eto at
pumapasok na siya sa kanyang bahay.
Anong kaligayahan! Anong
laking biyaya!
Ikalawa, ang tahanan ay larawan lamang ng lalong mahalagang
tahanan na nais pasukin ni Hesus – ang tahanan ng puso ng tao. Naparito si Hesus kay Zaccheo upang makilala
siyang lubos, makipag-kaibigan at buksan ang pintuan ng puso ni Zaccheo para
asamin ang isang bagong buhay kasama ang Diyos.
Tagumpay si Hesus. Sa tuwa ni Zaccheo, ipamimigay niya ang
kanyang kayamanan. Ibabalik niya
ang kanyang nakulimbat. Magbabago
na siya mula ngayon!
Sana hayaan nating pumasok si Hesus sa tahanan natin, sa puso natin ngayon. At tulad ni
Zaccheo, maranasan nating magsimula na ang ating kaligtasan.
Comments