IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO A


WALANG HADLANG SA PAGDIRIWANG

Dahil sa bagyong Yolanda, marami ang nagtatanong: May Pasko pa ba? Dapat pa ba tayong magdiwang?

Isang magandang tugon ang nagmula sa isang pari, si Fr. Benny Tuazon ng Maynila: alisin ninyo ang Christmas party, pero, parang awa ninyo na, magdiwang pa rin tayo. Ibig sabihin, kahit na simple at payak lamang ang ating Pasko ngayong taon, walang dapat pumigil sa mabuting balita na malapit na ang Pasko!

Siguro ito ang magandang okasyon para makita natin ang pagkakaiba ng kaligayahan (happiness) at kagalakan (joy). Ang kaligayahan ay dulot ng mga materyal na bagay o ng mga taong kinagigiliwan natin sa buhay. Di ba kapag nawala ang mga ito, maraming tao ang nalulungkot, nanghihina at nanlulupaypay?

Pero ang kagalakan ay iba.  Ito ay bunga, hindi ng bagay o tao, kundi ng kaugnayan natin sa Panginoon.  Kaya nga, ito ay kaloob o regalo ng Diyos.  Hindi ito lumilipas o nawawala dahil ang pinagmumulan nito ay ang Panginoon.

Isa pa, ang kagalakan ay nananatili kahit may dinaranas na pagsubok o paghihirap.  Kasi may kapayapaan sa puso at kasiguraduhan na laging nariyan ang Panginoon sa iyong puso.

Sa ebanghelyo, si Juan ay nasa kulungan na. Subalit sabi ng Panginoong Jesus, mapalad at pinagpala pa rin si Juan.  Sigurado akong kahit doon, puno siya ng galak dahil nakilala niya at pinaglingkuran ang Panginoon Jesus!

Ang unang napansin ng mga dayuhang dumamay sa atin pagkatapos ng bagyo ay kakaiba.  Sa gitna ng paghihirap, kamatayan at kawalan, ang mga Pilipino ay marunong ngumiti at magpasalamat, tumawa at mag-ganyak sa isa’t-isa, tumanggap at magbigay.  Nagulat sila sa kagalakan ng mga Pilipino!

Inaakala mo bang walang saysay ang Pasko dahil may problema ka ngayon, may pinagdadaanan sa buhay? Tandaan mo, ang Pasko ay hindi bagay o mga tao. Ang Pasko ay tungkol sa Diyos na dumadamay sa ating katayuan. Siya ang Diyos na nakikipag-ugnay sa iyo.  At kung tatanggapin mo ito, mapupuno ka ng galak.

Panginoon, sa nalalapit na Pasko, nawa’y maging malapit ako sa Iyo.  Punuin mo po ako ng kagalakan. Amen.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS