EPIFANIA O TATLONG HARI


HANDOG NG DIYOS SA LAHAT NG TAO



Ang dami mo sigurong natanggap na regalo ano?  Iyan ang tanong ng aking mga kaibigan matapos ang Pasko.  Para sa atin, ang Pasko ay panahon ng regalo. Ako mismo, naghahanda at nagpapamigay ng regalo.

Ngayong kapistahan ng Epifania (o Tatlong Hari dito sa Pilipinas), ang pagbibigayan ng regalo ang tampok sa araw na ito.  Kasi naman, ang mga haring mago ay tagadala ng regalo sa Hari ng Mundo. Bitbit nila ang mga marangyang regalo mula sa kanilang malalayong bayan.

Subalit dapat tandaan, na ang tunay na regalo, ang pinakadakilang regalo, ay hindi galing sa kamay ng mga haring ito. Ang tunay na regalo ng Pasko ay galing sa kamay ng Diyos, na ngayon ay dumadaloy sa kamay ng kanyang Anak sa sabsaban. Higit pa sa tatlong hari, ang Diyos ang tunay na tagadala ng regalo sa ating buhay – kaligtasan kay Kristo Hesus!

Sa katauhan ni Hesus, binuksan ng Diyos ang kanyang regalo para sa buong daigdig, na kinakatawan ng tatlong hari. Galing sila sa labas ng Israel, may ibang mga kultura at tiyak iba din ang relihyon. Pero sila ang kumukumpleto sa Pasko dahil sila ang tanging panauhin ng Pasko. Dahil sa kanila, alam nating ang kaligtasan ay pangkalahatan, pandaigdigan, bukas at laan sa lahat ng tatanggap.

Tayo ang tatlong hari n gating panahon, tinatawag upang makibahagi sa biyaya ng Diyos.  Kahit wala tayong regalo, ang Diyos mismo ang magbibigay ng regalo sa atin, ang kanyang Anak na si Hesus.

Tulad ng puso ng Diyos, bukas ba ang ating puso sa ibang mga tao, maging sa dayuhan?  Tulad ng pag-ibig ng Diyos, kaya ko din ba magmahal at magpatawad? Tulad ng Diyos na nag-uugnay at nag-aanyaya sa lahat, ako din ba ay instrumento ng kapayapaan at pagkakasundo?

Pasalamatan natin ang Diyos sa pag-ibig na laan sa lahat.  Humingi din tayo ng pusong malawak at mapagbigay, nakalaan sa lahat na walang pinipili o itinatangi.

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS