IKA-LIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON - A


Kasangkapan ng Pagpapanibago



Bakit pinili ng Panginoong Hesus ang halimbawa ng asin at ilaw para  tukuyin ang kanyag mga alagad at tagasunod?

Palagay ko ito ay dahil sa ang asin at ilaw ay may kakayahang magpanibago ng mga bagay sa kanilang paligid.  Ang asin ay nagpapabago ng lasa.  Ang ilaw ay nagpapabago ng kadiliman.

Ang pagkaing walang asin ay walang lasa at hindi masarap kainin.  Pero kapag sumobra ang asin, yari naman ang iyong bato!  Ang tamang timpla ng asin ang nagpapasarap sa pagkain. 

Ang lugar na walang ilaw ay nababalot ng kadiliman at ang mga tao ay madaling madapa at mabunggo sa mga hadlang sa paligid.  Pero ang lugar na maliwanag ay isang malaking serbisyo sa lahat.

Ganyan din ang mga tunay na tagasunod ng Panginoon.  Tayo ay tinatawag maging asin at ilaw upang maging mas bago at mas sariwa ang ating paligid. Taglay ang Salita ng Diyos at ang pananampalataya, magiging kasangkapan tayo ng pagbabago sa mundong ito.

Minsan nagtataka tayo kung bakit natatagpuan natin ang ating mga sarili sa iba’t-ibang sitwasyon na tila pagsubok.  Bakit ba ganito ang asawa ko?  Bakit nag-iba na ang aking anak?  Bakit lagi na lang may gulo at away?  Bakit ang daming kalungkutan sa aming buhay?

Magandang isipin na batid ng Diyos na kaya tayo nasasangkot sa mga ganitong sitwasyon ay upang maging asin at ilaw, mga taga-pagpanibago ng ating paligid.  Ang iyong asin ang magiging gabay ng iyong asawa. Ang iyong liwanag ang aalalay sa iyong mga anak.  Ang iyong asin ang magiging sanhi ng pagkakasundo. Ang iyong liwanag ang magbibigay ligaya sa mga tao sa iyong paligid. Napakalaki ng tiwala ng Diyos sa atin.

Sa bawat pagsubok, sa halip na tayo ay manghina, isipin lamang natin ang pangarap ng Diyos para sa atin – maging asin at ilaw na magdadala ng pagbabago sa mundo.  Subalit magagawa lamang natin ito kung lagi tayong kakapit sa ating Panginoon, kung sa kanya tayo unang kukuha ng liwanag at ng lakas upang ibahagi sa ating kapwa.

Sa taon ng mga Layko, ng mga binyagang Kristiyano, napakagandang isipin na mayroon pala tayong natatanging gawain at atas mula sa Panginoon.  mula ngayon, maging asin at ilaw ng iyong kapaligiran!

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS