IKA-WALONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON - A
IWANAN ANG ALALAHANIN
SA BUHAY
“Tingnan ninyo ang mga ibon…
pinapakain sila ng Diyos… at ang mga bulaklak… dinadamitan sila ng maganda…”
(cf Mt. 6: 26, 28). Ibon ba ako? O bulaklak kaya?
“Huwag kang mag-alala kung ano
ang iyong kakainin, iinumin, isusuot…” (cf. v.31). Bakit kaya sinasabi ng
Panginoon na huwag mag-alala? Paano ako mabubuhay? Sino ang mag-aasikaso sa
aking pamilya?
Naglalaro sa isip ko ang mga
tanong na ito matapos kong mabasa ang Mabuting Balita ngayon. Tila bawal
mag-alala at tila gusto ng Diyos na ituring ko ang sarili kong tulad ng mga
bagay sa kalikasan. Magandang pakinggan subalit hindi yata praktikal.
Pero habang nagninilay muli,
naunawaan kong hindi naman tayo pinagbabawalan na mag-ala sa buhay. Sa halip
inaanyayahan tayo ng Panginoon sa isang mas positibo at mas mainam na pananaw
sa buhay. Ayon sa Panginoon, anuman ang ating pangangailangan, at maging ang
ating buong buhay, ay naka-ugnay sa Kaharian ng Ama. Ang Kahariang ito, kung
tunay kong hahanapin, ang magbibigay liwanag sa mahalaga man o simpleng bagay
ukol sa ating buhay. “Hanapin muna ninyo ang Kaharian ng Diyos…” (cf v. 31).
Hindi naman sinasabi ng Panginoon
na maupo na lang ako sa bahay at maghintay ng pagkain, inumin at damit na
ide-deliver sa akin. Kailangan kong magsikap din bilang kontribusyon ko sa
paglago ng Kaharian ng Diyos sa mundo. Pero bilang taga-sunod ni Kristo at anak
ng Diyos, ang dapat na unang pakay ko ay ang mapabilang sa Kaharian ng Ama,
maging bahagi ng isang pakikipag-ugnayan na nag-uugat sa kanya na aking Ama.
“Malilimutan ba ng ina ang kanyang anak… hindi kita malilimutan…” (cf. Isa.
49:15).
Tiyak na hindi kinakalimutan ng
Diyos ang kanyang mga anak. Pero, tayo, kapag napalibutan ng pag-aalala at
takot, nakakalimot tayo sa ugnayan natin sa Diyos. Nalilimutan nating sino ba
talaga ang panginoon ng buhay natin.
Kapag marami tayong pera at bagay, nakakalimot tayo. Subalit ang Diyos
ay hindi nakakalimot. Siya ang Amang mapagmahal sa lahat, maging sa anak, na
matigas ang puso at suwail. Sa ating mga agam-agam, hindi tayo nakakatulog,
umiinit ang ulo, apektado ang kilos. Kahit minsan makuha natin ang ating gusto,
tila kulang lagi at malungkot pa rin.
Kay Hesus maririnig natin ngayon
ang lihim ng tunay na kapayapaan, kagalakan at higit sa lahat, tiwala sa Ama.
Kung sa materyal na bagay ang tuon ng ating puso, hindi natin ito matutuklasan.
Kailangang maalala nating hindi lang tayo aksidente sa mundo kundi bahagi ng
pamilya at Kaharian ng Diyos. Salamat at ipinaalala sa atin na bago ang lahat,
tayo ay anak ng Diyos.
Panginoon, narito ako sa harap mo
taglay ang lahat ng takot at alalahanin tungkol sa sarili, pamilya, pera,
kalusugan at mga ugnayan ko. Alam mo po ang lahat ng aking kailangan. Alam mo
din ang laman ng aking puso. Magsisikap ako pero mas higit akong magtitiwala sa
Iyo at sa ugnayang alay mo sa akin… dahil ikaw ang aking Ama. Amen.
Comments