IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA
ANG PAGSUBOK SA DAAN
NG PAGBABAGO
Nakabasa ako ng isang mensahe
tungkol sa Kuwaresma: naglalagay tayo ng abo sa noo hindi upang ipakita na tayo
ay banal kundi upang ipahayag na tayo’y makasalanang nangangailangan ng habag
ng Diyos.
Totoo nga na ang Kuwaresma ay
taunang paalala na kailangan nating magbago. Nakikita natin ang ating kamalian at tinatanggap natin na
wala tayong lakas na maging tulad ng pinapangarap ng Diyos para sa ating buhay.
Kaya sa Kuwaresma, hiling natin sa Panginoon na makilakbay sa atin, basbasan
tayo, maging mahabagin sa atin, palayain tayo sa ating nakaraan at akayin tayo
sa buhay na bago.
Ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa
bundok ay tila baga napakadali at walang kahirap-hirap. Nagdasal lang at tumayo
sa tuktok at ayun na! – nagbagong anyo na siya. Naging maliwanag at
nagniningning siya. Pero hindi natin nakikita sa tagpong ito ang bumabalot na
mga karanasang naghihintay sa kanya – ang pagbatikos ng mga kaaway, ang
pagtataksil ng kaibigan, ang pagtalikod ng mga disipulo, ang sakit na hindi
maunawaan, ang pagkawala ng lahat ng bagay na mahalaga sa kanya.
Ang pagbabagong anyo ni Hesus ay
may malaking halaga. Nasa likuran
niya ang krus sa bawat sandali.
Ganun din sa ating pagbabagong
anyo, sa ating pakikibakang magbago. Kapag gusto mong magbago, hindi ba may mga
taong hindi nakakaunawa? May mga
taong ayaw kang suportahan? Sa halip
nandiyan sila upang pahinain ang loob mo. Pag-uusapan at ichi-chismis ka pa.
Pagtatawanan ka at tatawaging baliw.
Huhusgahan ka na hindi ka na puwedeng magbago. Kung mga diyos sila,
tiyak na wala ka na ngang pag-asa.
Pero iba ang Diyos. Tingnan natin
ang Roma 8:31-34. Sabi ni San Pablo: sino ba ang mag-aakusa sa atin? Sino ang
huhusga sa atin? Ang Diyos ang nagpapatawad. Si Hesus mismo ay namatay at
nabuhay para sa atin at laging nagdarasal para sa atin.
Naranasan siguro ni San Pablo na
magkaroon ng mga taga-batikos noong magpasiya siyang sumunod sa Panginoon.
Tiyak na sa Diyos lamang siya nakasumpong ng tunay na suporta at lakas. Kaya nasabi niya: Kung kasama natin ang
Diyos, sino ang makakalaban sa atin?
Panginoon, nais ko pong magbago. Nais
ko po ng bagong buhay. Salamat po sa inyong pang-unawa. Salamat po sa inyong
pagmamahal. Ikaw lamang ang aking pakikinggan.