IKA-18 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B




PAGKAING PANGMATAGALAN





Ngayong Linggo, patuloy ang kamangmangan ng mga tao sa Mabuting Balita. Hinahabol nila si Hesus. Sinusundan nga nila siya. Hinahanap-hanap. Pero mali ang motibo nila. At nagbabala ang Panginoon: Huwag ninyong asamin ang tinapay, kahit libre pa ito (Mabuting Balita ng nakaraang Linggo). Huwag ninyong hanapin ang tinapay na panandalian lamang.  Huwag kayong kumapit sa pagkaing napapanis!

Matiyagang tinuruan ni Hesus ang mga tao tungkol sa katotohanang nais niyang maunawaan nila: ang Tinapay ng Buhay, ang tunay na Tinapay mula sa langit. Ito ang tunay na mahalagang Tinapay, dahil nagdudulot ng buhay, hindi makalupa kundi makalangit, hindi makamundo kundi sa ibayo pa ng daigdig na ito. Ito ang Tinapay na nagbubukas ng pintuan ng langit.

Ang Tinapay na ito ay mismong si Hesus, ang kanyang buong katauhan, na dapat tanggapin, mahalin, panaligan at sundan. Ang makilala si Hesus at isuko ang lahat sa kanya ang kahulugan ng ating buhay. Ang makapiling si Hesus ay makaniig ang Ama nang malalaliman. Ang makatagpo si Hesus ang nagbibigay ng kahulugan sa ating pagtulog at paggising.  Paano man kainin, sa gitna man ng tuwa o tigmak ng luha, ang Tinapay na si Hesus, ang siyang nagbibigay lakas at tapang sa pagtahak sa buhay.

Sa simbahan ay kapiling natin ang Tinapay sa Eukaristiya.  Binubusog tayo ng Diyos ng salitang nagpapaganyak sa puso at ng Tinapay na nagbibigay buhay sa banal na Komunyon. Mas nauunawaan ba natin ito higit sa mga Hudyo noon? Napapahalagahan ba natin kung ano, o Sino ang ating tinatanggap sa anyo ng Ostia na ating kinakain sa Misa? Dama ba natin kung paano siya nagbibigay-buhay?

Isang banal na tao, si Thomas Merton ang nagsalarawan ng kanyang unang pagtanggap kay Hesus, ang Tinapay ng Buhay, matapos ang kanyang pagkamulat at pagsapi sa simbahan: “Isinilang si Kristo sa akin bilang isang bagong Betlehem, at isinakripisyo siya sa akin bilang bagong Kalbaryo, at nabuhay siya sa akin: iniaalay  niya ako sa Ama, habang hinihiling sa Ama, sa kanyang Ama at aking Ama, na tanggapin ako sa natatangi at walang hanggang pag-ibig…” Nagiging bago tayo,  nagiging sariwa dahil sa Tinapay ng Buhay.

Kung ganito natin tinitingnan ang Eukaristiya, ang Tinapay na tinatanggap natin sa Misa, siguro mapupuno ang lahat ng simbahan, aapaw ang mga tao sa adoration chapel, lalaganap sa kalye ang mabubuting tao, mamamayani sa mga pamilya ang pagpapatawad at pagtanggap, at dadaloy ang pananagutan at malasakit sa ating buong bayan.

Ipagdasal natin maunawaan natin si Hesus tulad ng nais niya, na manalig tayo sa kanya tulad ng inaasam niya.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS