IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON, B
BAWAL ANG DEPRESSED
Kapag depressed ang tao, dalawang
bagay ang karaniwang ginagawa nito. Iyong iba, ayaw kumain, gusto nang mamatay
kasi mas madaling mamatay kaysa harapin ang buhay. Iyong iba naman, kain nang
kain, pinupuno ang tiyan ng hamon, ice cream, tsokolate, alak o beer.
Parehong delikado ang mga gawain na ito. Iyong ayaw kumain
ay nanghihina at nagkakasakit. Iyong kain nang kain naman ay panay junk food na
walang sustansya ang kinakain kaya nagkakasakit din sa huli.
Si Elias ay isang depressed na tao sa unang pagbasa natin
ngayon. Sa dami ng problema at alalahanin niya, tila hindi na niya kayang
mabuhay pa. nahiga na lang siya ay naghintay ng kamatayan. Ayaw na niya kumain,
ayaw na niya kumilos pa.
Pero ang Diyos ay eksperto sa puso ng tao. Alam niya ang
bumabagabag sa atin ngayon. Walang sakit, walang paghihirap na lampas sa
kanyang kaalaman. Ipinadala ng Panginoon ang kanyang anghel sa propeta upang
palakasin ang loob nito. Bukod doon, nagpadala ng pagkain ang Panginoon upang
makabawi si Elias ng lakas, motibasyon at tapang.
Marami sa atin ang tulad ni Elias na halos nakabaon na sa
dami ng paghihirap ng buhay. Sa tingin natin, hindi natin makakayanan, kaya
titigil na lang tayo. Mabuti pa kung patay na lang tayo. At iyong iba, halos
patay na nga ang turing sa sarili nila.
Sa mga ganitong pagkakataon, dumarating sa Panginoon upang
dalawin tayo at bigyan ng salitang nagpapalakas ng loob. Mas mahalaga, may dala
ang Panginoon sa atin na pagkain. Ito ang pagkaing nagdudulot ng buhay na
walang hanggan, ang pagkaing nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay ngayon sa
kabila ng mga pagsubok, ang pagkaing naghahanda sa atin para sa buo at ganap na
buhay na naghihintay sa dulo ng ating paglalakbay.
Kailangan natin ang Pagkaing ito. Kailangan natin si Hesus,
ang Tinapay ng Buhay. Kasama niya at tumatanggap sa kanya, kinakain ang kanyang
Katawan at iniinom ang kanyang Dugo, hindi nga tayo mamamatay. Oo, hindi
mamamatay ang ating mga pangarap. Hindi mamamatay ang ating kinabukasan. Hindi
mamamatay ang ating pag-asa. Dahil buhay siya, mabubuhay din tayo at
malalampasan ang anuman sa buhay na ito at sa kabila.
Kay ganda ng Mabuting Balita ngayon, nagpapaalala sa atin ng
kayamanang nasa bawat Eukaristiya, sa bawat Misa. Habang tinatanggap natin si
Hesus napupuno tayo ng bagong lakas tulad ni Elias. Nararating natin ang ating
hantungan tulad nang narating ni Elias ang bundok ng Horeb.
Depressed ka ba? Tumungo kay Hesus at kumain ng Tinapay na
dulot niya.