IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
ANG KARAHASAN NG
PAG-IBIG
Habang nagninilay ako sa Mabuting Balita, tila naunawaan ko
na ang mga Hudyo. Ilang linggo na natin pinagmamasdan sila sa kanilang reaksyon
sa himala ng tinapay at sa pangaral ni Hesus ukol sa Tinapay mula sa
Langit. At hindi nila ito
maunawaan. Hindi nila makita ang
punto. Nagsimula na silang mag-bulungan at mag-reklamo. May bagay sa mga salita ni Hesus na
nakakabagabag sa kanila. Ano ba iyon?
Hindi madaling tanggapin ang turo ng Panginoon tungkol sa
Tinapay ng Buhay. Maraming karahasan sa likod ng aral na ito. Sabi ng
Panginoon: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang
dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom
ng aking dugo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa
huling araw.
Isipin nga natin ang mga salitang ito. Balik-balikan. Suriin
dahan-dahan. “Kainin ang aking laman… inumin ang aking dugo…” Nakupo! May
kailangang mamatay kung totoo ito! At ito ang hindi matanggap ng mga Hudyo.
Magsasaya, magpipista, mabubuhay dahil may namatay para mag-enjoy kami?! Ganito
rin ang feeling ko e. Mas madaling magdiwang kung alam kong walang nasaktan
para lang ako mag-enjoy!
Subalit ang sinasabi sa atin ng Panginoon ay ito: ang tunay
na pagmamahal ay handang mag-alay ng lahat. At ang ganap na pagmamahal ay
nagbibigay ng ganap, kahit lahat pa, kahit masakit pa, kahit mamatay pa.
namamatay ang mga sundalo sa Middle East para makauwi lang ang mga bihag ng
ISIS. Ang mga Overseas Filipino Workers natin nangungulila at nag-iisa para
magkaroon lang tayo ng pagkain, gamot, edukasyon at bahay. Iyong isa kong
kaibigan, mas ninais mamatay para lang ligtas na ipanganak ang kanyang bunso!
Sukdulan ang sinasabi ng Panginoon. kung talagang
nagmamahal, handa kang dumaan sa kamatayan, sa maraming sakripisyo. Naiisip mo
ba ito pag tumatanggap ng Komunyon? Siguro kung seryoso natin itong iisipin,
ang Tinapay na Katawan ni Kristo ay hindi tila lamang biskwit na ibinigay ng
pari. Ito ang handog ng pinakadakilang pagmamahal ng Isang namatay dahil mahal
niya tayo hanggang sa kahuli-hulihan!
At kung mapagtanto natin ito, pagkatapos ng Misa, mapupuno
din ba tayo ng lakas, tapang, at pagnanasang mamatay upang mabuhay ang ating
kapwa? Kaya ba nating pigilin ang
ating dila para sumaya ang araw ng iba? Kaya ba nating iwanan ang luho para
guminhawa ng iba? Kaya ba nating ngumiti man lang para magkaroon ng saya sa
paligid? Kaya ba nating mabuhay ng simple para mabuhay din ang mga dukha sa
lipunan?
Panginoon Hesus, Tinapay ng Buhay, salamat po sa Inyong
pagmamahal. Dahil sa Iyong pag-ibig, ibinigay mo lahat para maranasan ko ang
lahat ng mabubuting bagay. Sa pagtanggap sa Iyo ngayon, hipuin mo po ang aking
puso upang maging tinapay ng buhay ako para sa iba, sa aking maliit na paraan
man lamang. Amen.