IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, B
YAKAP-YAKAP NIYA AKO
Sa Mabuting Balita ngayon, nagbibigay si Hesus ng mga mahahalagang
salita at aral tungkol sa kanyang darating na paghihirap at kamatayan, na hindi
madaling naunawaan ng mga alagad. Nagtuturo din siya ukol sa pagiging dakila at
pagiging mababang-loob sa Kaharian ng Ama, at hindi rin ito madaling maunawaan.
Subalit, sa kabila ng
mga salita, pansinin natin ang isang natatanging kilos na ginawa ng Panginoon.
Ang Mabuting Balita ni San Markos ang pinaka-unang isinulat, kaya halos hindi
ito na-edit, halos hilaw, di tulad ng tatlong ebanghelyo na may maayos na
teolohiya at maingat na direksyon na tinatahak. Ang Mabuting Balita ni San
Markos ay gawa mula sa mga direktang puna, salita at larawan na narinig ng mga
alagad mula sa ating Panginoong Hesukristo.
Tingnan na lamang na
habang nagtuturo, inanyayahan ni Hesus ang isang maliit ba bata upang tumayo sa
gitna. “Kinalong” niya ang bata, at saka ipinaliwanag ang kanyang aral. (sa
Ingles, ang sabi: “niyakap” niya ang bata). Hindi ba nakakagulat ang kilos na
ito? Si Hesus ay hindi guro na nangangaral sa mga ulo ng mga tao. Siya ay puno
ng alab, sensitibo at nag-uumapaw sa pagmamahal. Kaya ni Hesus yakapin o
kalungin ang isang bata upang ipakita kung gaano kamahal ng Ama ang kanyang mga
anak.
Ang bata ang kinatawan
ng mga “pinakamaliit” sa lipunan, ang pinakamahina, pinaka-walang magagawa.
Kasama ng mga kababaihan, ang bata ay hindi isinasama sa bilang ng mga tao.
Pero, ang Panginoon, habang nagtuturo tungkol sa pinakamaliit, niyakap niya at
kinalong ang isang pinakamaliit sa paligid.
Takot pa naman ang mga
alagad na maging maliit at hamak. Sa katunayan, nagtatalo sila kung sino ba ang
pinakadakila, magaling, bida sa Kaharian ng Diyos. At sino ba ang gustong
maging maliit? Kapag maliit ka, noon man o ngayon, ikaw ay nag-iisa, natatakot,
walang nagmamahal, nakalimutan o hindi pinapansin.
May sinasabi si Hesus
sa atin. “Kung nais mong maging dakila, maging pinakamaliit, pinakahuli sa
lahat.” Bakit? Dahil mahal ng Diyos ang mga hamak. Siya ang ama nila. Siya ang
suporta nila. Hindi niya iniiwan ang iniwanan at itinakwil na ng iba. Ang Diyos
Ama, ang unang yumayakap sa mga dukhat at mahihina.
Panginoon, takot po
akong maging maliit o hamak, maging walang kuwenta. Yakapin mo po ako,
Panginoon. Nawa ang iyong yakap ang magtanggal ng aking takot, pangungulila, at
sakit. Sa gitna ng iyong yakap, mapuno po ako ng kagalakan na nagmumula sa
tunay na nagmamahal sa akin. Amen.