DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI, B
ANG PRUSISYON NG HARI
Bawat taon, dumadaan tayo sa
Kapistahan ng Kristong Hari. Maringal na okasyon ito sa ating bayan, na may
kasamang mga dasal, prusisyon, bihilya, at Banal na Misa. Nakaayos ang mga
bahay na dadaanan ng prusisyon, ng mga kandila, bandera, bulaklak at altar. Sa
pagdaan ng pari, dala niya ang Hari na nasa Santissimo Sakramento.
Minsan sa isang taon, natatandaan
natin kung sino talaga ang hari at ang dapat maghari, upang huwag nating
malimutan na bigyan siya ng puwang sa puso natin.
Ang prusisyon ng Kristong Hari ay
makabuluhan. Ramdam natin na tayo ay pinagpala. Nag-aalay tayo ng dasal ng
pasasalamat at pamimintuho. Eto si Hesus sa ating mga lansangan at ang biyaya
niya ay bumabagsak sa mga taong naghihintay sa Kanya.
Ang prusisyong ito ay siyang
pinakatampok sa dulo ng ating kalendaryo. Ito rin ang tulay patungo sa
Adbiyento, sa mga pangako na darating nga ang Anak ng Diyos sa ating buhay.
Ang mensahe ng prusisyong ito ay kasama
natin ang ating Hari. Hindi siya nasa isang palasyo lamang. Hindi siya kuntento
lamang sa kayamanan at kaluwalhatian. Dumadalaw siya sa atin. Tinatagpo niya
tayo. Hinahanap niya tayo ngayon.
Naglalakad nga si Hesus sa
lansangan ng ating buhay. Dito niya inaalo ang mga nagdadalamhati sa France,
Iraq at Syria na biktima ng terorismo. Hinihipo niya ang mga nararatay sa banig
ng karamdaman sa mga tahanan at ospital. Niyayakap niya ang mga walang tirahan
at natutulog lamang sa kalsada. Kinakausap niya ang mga nasasaktan, naguguluhan,
walang pag-asa, natatakot, at walang nagmamahal.
Ang ating Hari ay kasama natin at
walang dapat ikatakot. Dala niya ay pag-ibig at kapayapaan. Si Hesus, ang Hari,
ay kapiling natin sa araw-araw na paglalakbay sa gitna ng pakikibaka at
pakikipagtunggali sa buhay.