IKA-LIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K
-->
KARANIWAN O HIGIT PA?
Ang Mabuting Balita ngayon ay
tungkol sa isang insidenteng nagpabago ng buhay kay Pedro at mga kasama. Umuwi
sila mula sa buong gabing pangingisda na walang tagumpay – walang suwerte,
walang huli anuman. Sayang ang oras at lakas at paghihintay sa dagat. Kaya nang
hiramin ni Hesus ang bangka upang maging upuan niya habang nangangaral, pumayag
na lang sila.
Sinamahan sila ni Hesus
pagkatapos at bilang pasasalamat, nag-alok ito ng tulong sa kanila. Nagulat
sila nang sabihan silang bumalik sa dagat at mangisdang muli kahit galing na sila doon at walang
nangyari.
Si Pedro, na nakatuon ang mata sa
pang-karaniwan na sitwasyon lamang, ay nagpaliwanag na kagagaling lang nila sa
dagat at walang pag-asa ang pangingisda. Si Hesus, na nakatuon naman ang mata
sa higit pa na magaganap pa lamang,
ay patuloy na nag-utos na ihagis ang mga lambat.
Gulat siguro si Pedro sa nadinig
niyang utos mula sa isang karpintero na naging mangangaral. Siya pa naman ang
tunay na eksperto sa isda! Marahil
na iiling-iling itong sumunod.
Pero ang pagsunod niyang ito ang naging dahilang ng malaking himala ng
huli ng isda na hindi pa naranasan ni Pedro kailanman. Puno ang dalawang bangka at muntik nang
lumubog sa dami ng isda.
Nang makita ito ni Pedro,
nakatuon pa rin siya sa pang-karaniwan na sitwasyon, at buong kababaang-loob na
humingi kay Hesus na layuan siya dahil siya ay makasalanan. Hindi siya karapat-dapat
sa mata ng Diyos. Puno siya ng takot, kahihiyan at pagkamangha.
Si Hesus, na nakikita ang higit pa, ay patuloy na nagpalakas ng
loob ni Pedro. Mas higit pa daw sa
isda ang huhulihin niya. May
misyon para kay Pedro na higit pa sa
pangingisda sa dagat – ito ang pangingisda para sa Kaharian ng Diyos.
Madalas, kapag nasa gitna tayo ng
problema, nakatingin lang tayo sa pang-karaniwan na kalagayan, sa praktikal na
sitwasyon, sa simpleng katotohanan na nararanasan natin, kung ano yung nandyan
at kung ano ang nangyari – yun ang akala nating pang-karaniwan na dapat
tanggapin at kasanayan. Nawawala ang pangarap. Nauubos ang pag-asa. Palagay
natin ay taob na ang bangka natin.
Kung makikinig tayo sa Panginoon
Hesus, sasabihin niyang ibaling ang mata mula sa pang-karaniwan tungo sa higit pa. Tumingala muli at umasa sa
bendisyon ng Diyos. Buksan ang puso sa Espiritu na magbibigay ng kapangyarihan.
Ituon ang puso sa pangarap at mas magandang plano ng Diyos. Hindi tatanggalin
ni Hesus ang pang-karaniwan na sitwasyon natin, subalit magpapadala siya ng higit pa na pangyayari na tatalunin ang pang-karaniwan na kalagayan
ng mga bagay. Manalig ka! Maniwala
ka sa higit pa!
Baon ka ba sa mga problema? Nakikita mo lang ba ngayon ay
ang natural mong paligid at sitwasyon sa buhay? Basahin muli ang Mabuting
Balita, mag-focus kay Hesus, ang Panginoon ng imposible, ang siyang magdadala
ng higit pa sa mundo ng pangkaraniwan
lamang.
ps. sa miyerkules ay ash wednesday. sa linggong susunod ay kuwaresma na po. maaga ang holy week sa taong ito. God bless po!