IKALAWANG LINGGO SA KUWARESMA K
TUNAY NA MAGANDA
May isang titulo ang Mahal na
Biren at iyan ang kagandahan. Tota pulchra es, Maria! Ganap ang iyong kagandahan, O Maria!
Kung ganito ang kagandahan ni
Maria dahil sa biyaya ng Diyos sa kanya bilang Ina ng Anak ng Diyos, e paano pa
kaya ang Anak na iniluwal niya sa mundong ito? Mas maganda, walang hanggang mas
maganda, dahil ito ang Anak ng Diyos na naging isang taong tulad natin.
Ito ang nakakagulat na kagandahan
ni Hesus na nakita ng mga alagad sa bundok. Sa pagbabagong-anyo ni Hesus,
nakita nila ang tunay na luningning, ang totoong karangalan, ang likas na
busilak ng Panginoon na nakilala nila noon bilang isang ordinaryong tao lamang.
Sa kanya ngayon, nabunyag ang tunay na kahulugan ng kagandahan. Ang Diyos ang kagandahan at ang patunay
nito ay ang nagbagong-anyo na si Hesus.
Ipinakikita ng Kuwaresma ang
kagandahan ng Diyos ngayon dahil nais ipaalala sa atin na tayo din ay mga anak
ng Diyos at dahil diyan, tayo din ay maganda sa kanyang paningin. Hindi sa paraang tulad ng kay Hesus. Sa
ating sariling paraan, tayo ay maganda sa Diyos.
Hind madaling tanggapin ito.
Marami ang hindi mulat sa kanilang kagandahan kaya nasanay na silang mabuhay sa
pangit na ugali, masamang gawi, at magaspang na katauhan. Meron din na hindi
pansin ang kanilang kagandahan at ang hinahanap ay ang kagandahang nakikita
nila sa mundong nakapalibot sa kanila.
Marami ang mas tutok sa
kagandahang panlabas, na kay daling mawala, kaya nakakalimutan nila ang
kagandahan ng puso at kaluluwa na galing sa Diyos. Kapag hindi natin pansin ang
ating kagandahan sa mata ng Diyos, madaling lumayo sa Diyos dala ng kasalanan.
Ngayong Kuwaresma, inaanyayahan
tayo ng Panginoon na tingnan siya sa kanyang kagandahan at karangalan. Hindi
upang mainggit sa kanya. Hindi upang hangaan siya. Sa halip, sinasabi niya sa
atin na bumalik sa kagandahan ng ating tunay na pagkatao. Ang Kuwaresma, na may alok sa atin na
panalangin, sakripisyo at gawain ng pagmamahal, ay tutulong sa atin upang
mabawi natin at mabuo natin ang kagandahang likas sa atin. Seryosohin natin ang
paghahanap sa tunay na kagandahan.