IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
SUNDAN ANG DIYOS KUNG
NASAAN KA NGAYON
Madalas, akala natin pag tinawag tayo ng Diyos laging ma-drama at puno
ng adventure. Para bang iyong mga apostoles na kailangang iwan ang lahat. Hindi
nila alam kung saan hahantong (Lk 9:58 ), kailangang talikuran ang mga
minamahal (v.60 ), at hindi alam kung makababalik pa sa tahanan (v.62).
Nangyayari pa rin ito para sa iba. May mga taong tinatawag ng Diyos
para sa special na misyon ng pag-ibig at paglilngkod sa buong mundo. Kailangan
dito ang malaking kabutihang-loob. Kailangan din dito ang malaking biyaya ng
Diyos dahil imposible ito kung tao lang ang batayan.
Pero sana huwag nating malimutan na ang pagsunod sa tawag ng Diyos ay
hindi lamang tungkol sa misyon o buong buhay na pagtatalaga sa paglilingkod.
Higit sa lahat, inaanyayahan tayo ni Hesus na sundan ang kalooban ng Diyos sa
ating mga buhay. Madalas hindi ito puno ng drama, aksyon at pakiramdam na
“high.” Simple lang ito kadalasan, dahil ang tawag ng Diyos ay sumunod sa
kanyang kalooban kung saan tayo naroon na, at kung sino tayo ngayon.
Sa trabaho, tinatawag tayong lalong pahalagahan ang kontribusyon natin
sa kumpanya. Sa ating pamilya, tinatawag tayo lalong maging mabuting ama, ina,
kapatid, anak, na seryoso sa pagbabahagi ng pag-ibig, pasensya, patawad, at
sakripisyo. Sa pamayanan, ang tawag ng Diyos ay magbahagi ng ngiti sa kapwa at
kamay na handang dumamay. Baka minsan kalooban ng Diyos na alalahanin ang iba
sa simpleng text o simpleng message man lang sa FB. Hindi mahirap yun, di ba?
Kahit simple, ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay maaari ding maging
mas dakila at kaaya-aya sa Diyos kaysa pangangaral ng ebanghelyo sa ibang bansa.
Ang isang maysakit ay sumusunod sa kalooban ng Diyos sa kanyang pagtanggap sa
karamdaman at pag-aalay ng kanyang hirap sa iba. Ang isang namimighati ay
tumutupad ng kalooban ng Diyos sa kanyang pagsisikap na ituloy ang buhay sa
kabila ng mga luha. Ang taong may
pasang malaking krus ay sumusunod sa Panginoon kung sa kabila ng kaapihang
dinanas niya lagi pa rin siyang mabuti at maawain sa kapwa.
Ipagdasal nating makasunod tayo sa kalooban ng Diyos para sa ating
buhay, ngayon at araw-araw, sa mga simpleng gawain natin, at sa paraang akma sa
ating situwasyon ng buhay ngayon.