IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
PAANO MAGING MABUTING
SAMARITANO?
May mga ideya tayo ng isang “mabuting Samaritano.” Ina-announce sa
radyo na nagsauli ng nawawalang bag ang isang “mabuting samaritano.” Natutuwa
ang isang ampunan na may nag-donate na “mabuting samaritano” na ayaw
magpakilala.
Sa Mabuting Balita ngayon (Lk 10), talagang may ginawang mabuti ang
samaritano. Tumulong siya sa isang nangangailangan. Ginamit din niya ang
kanyang salapi para isang naghihirap. Pero bago dumating ang samaritano, may
dumaan pang dalawang Hudyo na mabubuti namang tao.
Dumaan ang isang pari na laging relihyoso at paladasal. Dumaan din ang
Levita na laging nasa Templo. Dumaan silang pareho. Nakita nila ang taong
duguan at sugatan. Bilang mga tao din, tiyak naawa sila sa binugbog at
ninakawan. Tiyak nabagbag ang
kanilang damdamin sa pagkakita sa isang naghihirap. Pero tumawid sila sa
kabilang kalsada dahil marami pang dapat asikasuhin.
Dito kakaiba ang samaritano. Hindi lamang niya nakita ang sugatang tao.
Hindi lamang nakaramdam siya ng damdamin sa kanyang puso. Ang sabi ni San Lukas
“nakaramdam siya ng habag” (v. 33). Ano ba itong habag? Paano nagiging “mabuti”
ang samaritano dahil lamang sa habag?
Ang habag ay awa-na-may-kilos. Katulad ito ng awa ng Diyos kasi hindi
lamang damdamin, hindi lamang salita, hindi lamang mabuting hangarin, hindi
lamang magandang intensyon. Ang habag ay pagkilos para tunay na ipakita ang
iyong pagka-awa. Kahit hindi nagsasalita, ang samaritano ay tumigil, pinunasan
ang mga sugat, binuhat ang lalaki, at inihanap ng matutuluyan. Walang drama,
walang ingay.
Araw-araw, maraming sugatang mga tao na kasalamuha natin, at tiyak mas
nagdurugo, luhaan, at sugatan kesa sa atin. Iyong iba, kailangan lang ng
makikinig sa problema nila. Iyong iba, kailangan naman ng salitang pampalakas
loob. Meron din namang ang kailangan ay ngiti ng kaibigan, tapik sa balikat, o
yakap na pampaalis ng pangungulila at kalungkutan.
Nararamdaman mo bang tinatawag ka ng Panginoon na maging mahabagin?
Inaanyayahan ka ba niyang ipakita ang iyong awa-na-may-kilos? Hilingin natin sa Espiritu Santo na
bigyan tayo ng tapang na maging mabuting samaritano sa kapwa tao natin ngayong
linggong ito.