IKA-17 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
PANALANGIN NA
MARUBDOB
Sa Mabuting Balita ngayon (Lk
11), sinasariwa na nagbigay ang Panginoong Hesus ng dalawang mahahalagang aral.
Una, ang napakagandang panalangin, “Ama Namin,” na mas maikli kaysa sa kay San
Mateo. At ang ikalawa ay ang pananaw tungkol sa panalangin (v. 8).
Lumaki ang mga Katoliko kapiling
ang Ama Namin. Simula sa kuna noong sanggol pa, hanggang sa bawat Misa, klase
ng katesismo at turo ng mga nakatatanda, nandun na ang dasal na ito. Kung
madasalin ka, tiyak kahit minsan sa isang araw, dinadasal mo ito. Maraming tao
ang paborito ang dasal na ito.
Nang magkasakit si Francisco
Ferro, inutusan niya ang kanyang mga anak na isulat ang Ama Namin sa manila
paper sa wikang Tagalog. Ipinaskil nila ito sa pader ng kuwarto niya upang lagi
niyang mabasa at madasal ang panalanging natutunan niya mula sa kanyang ina sa
tuwing makakaramdam siya ng sakit ng katawan.
Pero nagturo din ang Panginoon ng
tamang pananaw sa pagdarasal ng Ama Namin at anumang panalangin. At ito ay ang
pagsisikap o pagpupunyagi. Nais niya ang kanyang mga alagad na manalanging
tuloy-tuloy, hindi napapagod, hindi sumusuko.
Bakit mahalaga ang pagsisikap
magdasal? Alam naman ng Diyos ang bawat nating kailangan. Nakikita niya ang
kaibuturan ng puso. Pero ang pagiging masikap sa dasal ay nagdadala sa atin ng
tiwala sa Ama, pag-asa sa kanyang kabutihan, at pagsandal sa kanyang biyaya at
pangangalaga.
Hindi lahat ng dasal ay
ibinibigay agad. Hindi rin ibinibigay lagi sa paraang inaasahan natin. Nais ng
Panginoong Hesus na magpatuloy sa pagdarasal kahit wala pa tayong nakikitang
resulta. Ang pagsusumikap ay nagtuturo sa atin na manalig na malapit nang
dumating ang tugon. Sa tulong nito, naihahanda rin ang ating puso sa biyayang
masaganang tatanggapin natin.
Lagi tayong magdasal sa Amang
nasa langit, na may tiwala ng isang bata, pagsisikap ng isang mahirap, at lakas
ng loob ng isang nananalig na malapit na ang sagot niya.