IKA-19 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON K

-->
TULAD NA ISANG LINGKOD



Higit sa lahat ng panahon, ngayon ang mga tao ay wala nang pasensyang maghintay. E bakit nga? Kung may fax, email o LBC naman? Puwede pa rin naman sa post office pero lalo namang bumagal ang serbisyo nito, kaya bakit pa?



Ang gusto natin ay mabilis, agad-agad na resulta, hindi lamang sa komunikasyon kundi sa pamimili, pagkain, at pati sa pakikipag-ugnayan. Wala nang pasensya ang mga tao, kahit pati sa kapwa tao nila. Isang babae ang handang handang iwanan ang kanyang asawang nahuli niyang nagluluko, pero dahil nakakita na rin naman siya agad ng kapalit!



Tila dito, makaluma ang Panginoong Hesukristo. Kasi ang gusto pa rin niya ay iyong naghihintay. Tinuturuan niya tayong maghintay, kahit na ito ay matagal at hindi sigurado. Ang tiyaga at pasensya sa paghihintay ng isang lingkod ang gamit ng Panginoong Hesus na halimbawa para sa paghihintay na dapat nating taglayin sa ating puso.



Iyong matatapat na lingkod ay naghihintay dahil mahal nila ang kanilang amo. Naghihintay sila dahil sa pag-asang may dadalhin siyang mabuti sa kanila. Lalo silang naghihintay, lalong lumalago ang kanilang pag-ibig at pag-asa. Hindi ito madali pero ito ang ugali na totoong huhubog sa puso natin para maging bukas sa biyaya, maging bukas sa kapwa tao.



Kaya ba nating maghintay sa pagbabago ng asawa? Sa pagbabalik-loob ng anak? Kaya ba nating maghintay na may pag-asa na nakikinig ang Diyos sa ating mga panalangin at tiyak na dadamayan niya tayo? Magdasal tayo sa Panginoon para sa biyaya ng matiyagang paghihintay.






Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS