IKA-22 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
PAG-IBIG NA
MABABANG-LOOB
Sa Mabuting Balita ngayon (Lk 14:
7-14) naroon ang paanyaya ng Panginoong Hesus tungo sa kababaang loob.
Naimbitahan siya sa isang piging at ginamit ito ng Panginoon na pagkakataon
upang magturo at humamon sa mga tao na magkaroon ng pusong mababang-loob.
Tila madali ang landas ng
pagiging mababang-loob para sa mga naanyayahan sa piging. Basta lang daw huwag
piliin ang mga upuang nakalaan sa matataas na tao. Hayaan lamang daw ang punong-abala na ituro sa iyo kung saan
ang puwesto mo. Ganito naman talaga ang normal nating pagkakaunawa sa
kababaang-loob, ang huwag ituring ang sarili na karapat-dapat, mas mataas o mas
magaling sa iba.
Pero hindi kumpleto ang larawan
ng tunay na kababaang-loob kung hindi pakikinggan ang hamon ng Panginoong Hesus
sa nag-aanyaya sa piging, ang punong-abala. Para magkaroon ng pusong
mapagkumbaba, dapat buksan ng punong-abala ang kanyang pintuan sa ibang tao,
pati na iyong hindi niya karaniwang inaanyayahan, iyong hindi malapit sa kanya.
Ang tunay na kababaang-loob ay
hindi sa pagbaba lamang ng sarili; ito rin ay sa pagbubukas ng puso sa mga
taong mas higit na kailangan ang ating pagmamahal at kalinga. Ito ay ang
pakikihalubilo sa mga madali at madalas nating iwasan at layuan. Ito ay ang
pagwasak ng maliit nating grupo ng mga kaibigan, upang makapasok ang mga
naghihintay na maanyayahan.
Hindi naman lahat tayo ay
nagpapa-party tulad ng mayaman sa ebanghelyo. Pero tiyak na tulad niya, may
maliit na grupo tayo ng mga kaibigan at may mga tao rin namang iniiwasan. Kung
mayaman ka, hindi mo gustong makibarkada sa mahihirap. Kung matalino ka,
hahanap ka ng kapwa mo matalino. Kung sikat ka, di ba mas gusto mong sikat din
ang mga kaibigan mo?
Pero sabi ng Panginoon, may
gantimpala sa mga mababang-loob, sa mga taong nagpapatuloy ng iba sa kanilang
grupo, sa kanilang tahahan at sa kanilang puso. May gantimpala sa langit ang
bukas ang puso at sa lupa naman may pasasalamat at pagmamahal ng mga taong
niyakap at tinanggap nila sa kanilang buhay.