IKA-25 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
-->
NAGHIHINTAY SIYA SA
MALILIIT NA BAGAY
Boring na ba ang mga araw-araw
mong gawain? At ang mga paulit-ulit na pangyayari sa buhay mo bawat araw? Hindi
ka ba makapaghintay na marating ang pangarap at ang mga matatayog na hangarin
mo para sa kinabukasan? Sabi ng Panginoon sa atin, medyo mag-isip-isip (Lk
16:10).
Dahil iyong mga maliliit na bagay
sa buhay ay mahalaga sa langit. Iyong nakababagot na gawain araw-araw ay landas
patungo sa kaligtasan. Ang mga ito ang simula ng bukas na higit pa sa
inaasahan. Sabi ng Panginoon: ang sinumang matapat sa maliliit na bagay ay
magiging matapat din sa malalaking bagay. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit at
karapat-dapat sa tagumpay at kaganapan ng buhay.
Kaya nga, ang gawain mo sa bahay
para sa asawa at mga anak, ang pag-aaral ng lesson sa iskul, ang pagpasok sa
trabaho na may sigla, ang pagmamahal sa mga atas na dapat gawin ngayon –
maaaring para sa iba ay maliit, mahirap, walang halaga pero sa Panginoon ito
ang tanda ng katapatan at pagmamahal na hinahanap niya sa atin.
Higit pa diyan, ang mga maliliit
na bagay ang nais ng Diyos na ialay natin sa kanya bilang handog. Tandaan
nating si Santa Teresita ng Lisieux ay tapat na laging nakangiti sa mga
nakapaligid sa kanya maghapon. Si Mother Teresa ng Calcutta, na pinakabagong santa natin, ay laging huminto upang kausapin at pansinin ang mga taong mahina at dukha.
Si Hidilyn Diaz, na Pinoy champion sa Rio Olympics, ay hindi dating kilala pero
tahimik na nag ensayo sa kanilang bahay sa Zamboanga.
Ang ginagawa mo ba ay tila maliit
at walang halaga? Simulan mo kayang ialay ito sa Panginoon at sa kapwa mo nang
may pag-ibig upang magamit ito ng Diyos para sa kinabukasang higit pa sa iyong
inaasahan?