IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON, K
ABRAHAM, ISAAC, AT
JACOB
Sa ganitong bahagi ng taon,
dumadalaw tayo sa mga puntod ng mga yumao. Ipinagdarasal natin sila hindi
lamang sa simula kundi sa buong buwan ng Nobyembre. Sa mabuting balita ngayon,
makikita natin ang dahilan. Ang mga nauna sa atin na pumanaw ay buhay sa
harapan ng Diyos, dahil siya ang Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay.
Ipinagdiinan nito ni Hesus habang
inaalala ang mga patriarka o ama ng Israel. Ang Diyos ay Diyos ni Abraham,
Isaac, at Jacob. Kahit matagal na silang wala, silay ay malapit sa puso ng
Diyos. Mga kaibigan sila ng Diyos sa lupa at maging sa langit man.
Sinubok si Abraham maraming
beses. Inutusan siya ng Diyos na lisanin ang kanyang lupain upang hanapin ang
bagong buhay na itinakda para sa kanya. Kahit hindi naintindihan, sumunod si
Abraham at dahil dito naging “ama ng pananampalataya.” Nang bigyan siya ng anak, hiningi ng
Diyos na patayin niya ito bilang sakripisyo sa bundok. Kahit masakit sa loob,
sumunod siya ulit. Nakita ito ng Diyos at ibinalik sa kanya ang kanyang anak.
Si Isaac, ang anak ni Abraham, ay
muntik nang mamatay dahil sa pagsunod ng kanyang ama sa kahilingan ng
Panginoon. Hindi siya tumutol sa kalooban ng Diyos at sa pagkilos ng kanyang
ama. Nang ibalik siya ng Panginoon sa kanyang ama, naging simbolo siya ng
pagpapanibago, pagbangon, at pagkabuhay. Si Jacob naman na anak ni Isaac ay
sinubok sa pamamagitan ng magdamag na pakikipagbuno sa anghel. Matapos ang matagumpay niyang pakikipaglaban
dito, binasbasan siya ng anghel. Ang tatlong patriarkang ito ay napatunayang
matapat sa gitna ng mga pagsubok.
Sa unang pagbasa, naroon ang
kuwento ng pamilyang Hudyo na hinatulang mamatay dahil sa pananampalataya.
Isa-isa, niyakap ng magkakapatid ang kamatayan kaysa talikuran ang Diyos. Sa
ikalawang pagbasa, sinasabing nagbibigay ang Diyos ng lakas ng loob at
katatagan upang makipaglaban tayo sa mga pagsubok ng buhay.
Tahimik na ang mga yumaong
kapatid natin. Pero narito pa tayo at nakikipaglaban, nakikipagtunggali, at
nakikipagsapalaran sa buhay. Hilingin nating na tayo’y bigyan ng lakas at
determinasyon na maglakbay sa lupa na nakatutok ang puso sa Panginoon. Isang
araw, makikita natin ang Diyos na buhay at makakatagpo natin ang ating mga
amang sina Abraham, Isaac, at Jacob.