EPIFANIA O PAGBUBUNYAG NG PANGINOON, A
-->
KAPAG KUMPLETO NA ANG
PASKO
Bilang mga bata, lumaki kami malapit sa simbahan at palagi
kaming nag-uusisa sa mga gamit sa simbahan. Pag Pasko, tuwang-tuwa kami sa
Belen habang unti-unti itong nagiging kumpleto – una si Jose at Maria, at ilang
mga hayop sa bukid. Pagkatapos, darating ang Nino Hesus na siyang sentro ng
lahat. Pero sabi ng pinsan ko, magiging kumpleto talaga ang Belen kapag
dumating na ang mga “tatlong hari” o ang mga pantas. Kaya pag nakita naming may
dumagdag na mga hari sa belen, kumpleto na nga ang Pasko.
Kumpleto na nga kapag nariyan na ang mga pantas dahil sila
ang nagsasabi sa atin kung ano ang magaganap pagkatapos ng pagsilang ng
Tagapagligtas. Totoong ibinunyag ng Diyos ang buo niyang sarili sa kanyang
piniling bayan. Sa kanila ipinadala ng Panginoon ang mga anghel at mga propeta,
mga milagro at kababalaghan, higit sa lahat ang kanyang Salita, ang Kasulatan.
Pero, sa kabila ng lahat, ang mga Hudyo ay nagsarado ng puso at hindi kinilala
ang tunay na hari.
Samantala, ang mga pantas ay taga-malayong lugar at hindi
bahagi ng bayang pinili. Sila ay mga Hentil, walang tahasang pagbubunyag mula
sa Diyos tulad ng mga Hudyo. Sa mga tanda ng kalikasan nila sinisikap makita
ang kalooban ng Diyos. Sa halip na Kasulatan, nakabatay sila sa kalikasan.
Pero, sila ang dumating, naglakbay nang malayo, upang hanapin at sambahin ang
haring isinilang at itinuro ng tala mula sa langit. Natagpuan nila ang Diyos sa
sanggol na ito.
Ang Pasko ay totoong kuwento ng Mabuting Balita. Ang
mangyayari kay Hesus sa kanyang pagtanda ay ipinatikim na sa kanya sa simula pa
lamang. Bilang isang mangangaral, si Hesus ay sasalubungin ng dalawang tugon ng
mga tao: pagtanggap o pagtanggi. Sa kuwento ng Pasko, ang mga tugon na ito ay nagaganap
na.
Nakapagtataka lang na ang mga matagal nang naghihintay sa
Mesiyas ang siyang hindi sumalubong sa kanya. Ang iyong mga walang inaasahang
pagliligtas ang siya pang nakaranas ng maligayang pagtatagpo sa Panginoon,
tulad ng mga pantas.
Ngayong patapos na ang Pasko, tandaan nating sa buong buhay
natin, nasa gitna tayo ng dalawang pagpipilian, tanggapin o tanggihan ang Diyos
na dumarating sa ating buhay. Ipagdasal nating mapasaatin ang pagiging bukas at
tapat upang manatili tayong nagmamahal sa Panginoong Hesukristo.