IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
-->
HINDI MAAARING
IPAMIGAY
Alam nating ang talinghaga ay
nagsasaad ng kuwento, nagdadala ng mensahe at nauudyok ng tanong. Ang kuwento
ngayon tungkol sa 10 dalaga (Mt 25), kalahati ay marunong at kalahati ay
hangal, ay nagtuturo ng aral ng pagiging handa sa pagdating ng Panginoon. Ang
limang marurunong na dalaga ang nagdala ng ilawan, puno ng langis, upang
tanglawan ang daanan ng lalaking ikakasal sa pagsalubong nila sa kanya. Ang
limang hangal naman ay may dalang ilawang walang langis at nais lamang manghingi
sa mga marurunong.
Ilang katanungan ang lumulutang
sa usapan ng mga dalaga. Sabi ng mga hangal: Bigyan ninyo kami ng langis. Ang
sagot ng marurunong: hindi maaari kasi hindi sapat sa ating lahat. Hindi ba ito
tanda ng karamutan ng mga marurunong na dalaga? Kung talagang mahal nila ang
lalaking ikakasal at hangad nila ang tagumpay ng kasalan, ano ba naman ang ilang
patak ng langis na ipamigay?
Madaling makita ang lutang na
dahilan: hindi nga naman sapat ang langis para sa lahat! Para sa mga
matatalinong dalaga, impraktikal ang solusyon ng mga hangal. Pero may isa pang
dahilan na dapat pag-isipan. Ang sabi ng mga matatalino: humayo kayo at bumili
para sa sarili ninyo. Tila ba sinasabi nilang ang pagkakaroon ng liwanag sa
buhay ninyo ay personal na atas ng bawat isa. Ikaw mismo ang hahanap, ang
bibili ng langis mo. Hindi ka dapat umasa sa iba. Ang langis mo, ang liwanag mo
ay dapat iyong-iyo.
Mahalaga ang munti subalit
matinding aral na ito. Hindi mo maipamimigay ang iyong liwanag. Maaari mo itong
pasinagin upang makita ng iba, pero hindi ito maaaring ipamudmod sa iba. Ang pagkakakilala
at pagmamahal mo sa Panginoon ang siyang pinakamahalagang sangkap, ang puso ng
iyong pananampalataya. Ito ang alay mo sa Diyos tuwing sasalubungin mo siya at
ang kanyang Anak, si Hesus na Panginoon, sa ating pang araw-araw na buhay.
Sa buhay mo ngayon, may langis ka
ba ng pananalig at pag-ibig para kay Hesus? Meron ka bang langis ng
pagkakakilala at tiwala sa kanya? Natutuyo na ba ang iyong langis? Baka
kailangan nang tumungo at bumili nito para sa iyong sarili. Hilingin natin sa
Panginoon na matuklasan natin para sa ating sarili ang kagandahan at kadakilaan
ng pakiki-ugnay sa kanya.