IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

-->
ANG DIYOS NG MUMUNTING BAGAY



Sa pagdating sa dulo ng kalendaryo ng ating simbahan, hinahamon tayo ng Mabuting Balita na magnilay sa paghuhukom ng Diyos. Nananalig tayong may paghuhusga ang Diyos – isang personal sa oras ng ating kamatayan at isang pangkalahatan pag dumating ang maluwalhating paghahayag ng ating Panginoong Hesukristo.



Tuwing iniisip natin ang sandaling iyon, ano ang inaasahan nating hahanapin ng Diyos na husgahan? Marami sa atin ang nag-iisip na pakay lamang ng Diyos ang ating paglabag sa kanyang mga batas. Ang iba naman, nag-aakala na habol ng Diyos ang mga kasalanang batay sa Sampung Utos. Kaya nga, takot tayo sa paghuhusga ng Diyos at sa ating isip, ang Diyos ay naging isang galit at mapaghiganting Diyos.



Sa Mabuting Balita ngayon, pakinggan natin ang sabi ng Panginoon nang dalawang beses: “Tapat ka sa munting mga bagay… Halina’t makisalo sa kagalakan ng iyong panginoon.”



Sa pagninilay sa paghuhukom sa Mateo 25, nakaharap tayo sa tunay na kahulugan ng darating na paglilitis sa harap ng Diyos. Dito, ang Diyos ay hindi naghahanap ng kasalanan, paglabag o pagsuway sa kanyang mga utos. Hindi rin siya nagbibilang ng mga kasalanan ng tao. Ni hindi siya nagpapaalala ng mga kamalian sa nakaraan. Sa halip, ang hinahanap niya ay an mga “munting bagay” na isinakatuparan na may pagmamahal at katapatan.



Naisip mo na ba ito? Ang paghuhukom ng Diyos ay nakatuon sa kung paano natin ginawa ang mga pang-araw-araw, maliliit, tila walang halagang atas sa atin. Masaya ka bang naghahanda ng pagkain ng iyong pamilya? Isinasapuso mo ba ang iyong trabaho? Matiyaga mo bang inaaral ang mga takdang aralin sa paaralan? May awa at habag ka ba sa pagtulong sa kapwa? Sa ating pagtupad ng inaasahan sa atin, sa mga maliliit na bagay at gawain, dito ibabatay ng Panginoon ang pagiging mabunga natin bilang mga alagad. Ang Diyos nga ay Diyos ng mga maliliit na bagay!



Ngayon, at sa darating na mga araw, muli nating babalikan ang ating mga gawain at tungkulin. Minsan matutukso tayong gawin ito nang hindi halos nag-iisip. Minsan naman, pipilitin lamang tapusin sa kabila ng pagkabagot at pagka-inip. O kaya nanaising magampanan lamang para makuha ang upa o bayad.



Bilang mga Kristiyano, pinaaalalahanan tayo ng Panginoong Hesus na naghihintay siya, nakikisama siya, nagmamatyag siya sa ating mga simple at  munting mga gampanin sa buhay. Batid ito, gawin natin ang lahat para sa ating mga pamilya, mga employer, mga pamayanan, na may galak, pananabik, dedikasyon, at kagalingan… at oo, na may ngiti sa labi!



Halina, at makihati sa kagalakan ng Panginoon!


Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS