PAANO IPALIWANAG ANG KRUS: PART 3

-->
KASALUKUYANG PAGTALAKAY





Tinatanggap ng kasalukuyang teyolohiya ang mensahe ng kaligtasang dulot ng krus ni Kristo, habang sinusuring mabuti ang "modelo ng batas" (juridical model) na ginagamit sa ibang paliwanag tungkol sa “pagbabayad-puri ni Kristo para sa atin.”



Lalo na ngayon, may malakas na pag-aatubili ukol sa ideya na si Kristo ay kailangang gumamit ng impluwensya sa Ama upang ito ay magpatawad sa sangkatauhan.



Matatagpuan ang ideyang ito sa ilang kataga sa bibliya:



Iginigiit ni Pablo ang “katarungan ng Diyos”: ayon sa kanya ito ay nagliliwanag sa pagpapakasakit at kamatayan ni Kristo (Rom 3.24-27) – nalalantad sa pagpapaubaya ng inosentong si Kristo sa kamay ng mga kaaway niya.



Sa Lumang Tipan pa lamang, ang “katarungan ng Diyos” ay higit sa lahat ang katapatan ng Diyos sa mga pangako niyang kaligtasan, na siyang buod ng tipanan sa kanyang bayan.



Ang Diyos, sa kabila ng pagtataksil ng bayan, ay hindi naisip na iwanan ang Israel, kundi nagpahayag ng bagong tipan (na tumatawag para sa isang tahasang pagbabago ng puso). Naganap sa Bagong Tipan kay Kristong namatay at nabuhay muli para sa ating kaligtasan, naging sanhi para sa simbahan ng kaloob ng Diyos na Espiritu, nagbigay sa mga sumampalataya sa kanya ng pagkakataong mamuhay nang sumasailalim bilang anak sa Ama tulad ng ginawa niya.



Sa Ebanghelyo nabunyag ang “katarungan ng Diyos”- hindi ang Diyos na naghahanap ng kabayaran sa kasalanan, kundi ang lumulutang ay ang katapatan ng Diyos sa kanyang mga pangako na naganap nang may katiyakan kay Kristo.



Ang pagkukusa ng katubusan ay galing sa Ama na kay Kristo ay nagkasundo sa kanyang sarili ng buong mundong na kanyang mahal at patuloy na minamahal sa kabila ng pagkalugmok at pagkakamaling dulot ng kasalanan.



Ang pagmamahal ng Diyos, na nalantad sa pakikipagkasundo sa mundo, ay hindi tulad ng pagmamahal ng tao: ang sa tao ay naghahanap dahil laging kulang; ang sa Diyos ay nagbibigay dahil laging puno.



Ang katarungan-pagmamahal ng Diyos, na siyang nagdala sa Ama na ipadala ang Bugtong na Anak sa mundo upang magkaroon ng buhay, ay hindi pag-ibig na nasiphayo o nangangailangan ng kabayaran, kundi pag-ibig na lumilikha, kumakalat, naghahanap ng tatanggap.



Ang gampanin ni Kristo sa gawa ng pagkakasundo ay hindi ang ibigay sa Ama kung ano ang wala sa Ama o kung ano ang gusto ng Ama, kundi ang tanggapin kung ano man mayroon ang Ama at nais ng Ama na ipamahagi.



Ang pagmamahal ni Kristo sa Ama (at ng Ama sa mundo) ay ang daluyan kung saan ang mapanlikhang pag-ibig ng Ama ay makatatagos sa mundo, magiging ganap na katanggap-tanggap ng mundo, at patuloy na magiging sanhi ng pag-ibig sa mundo.





Sa pananaw na ito, ano ang gamit ng krus?



UNA, ang krus ang natural na bunga ng situwasyon ng Anak ng Diyos na nagkatawang-tao sa mundong puno ng kasalanan. Ang Diyos-na-naging-tao ay hindi makaiwas na maramdaman ang tunay na pakikipag-isa sa kanyang mga kapatid, hindi makaiwas na kumilos para sa kalayaan ng mga tao sa kasalanan at kamatayan, hindi maaaring hindi italaga ang sarili sa pagpapanariwa ng sanilikha, gawin itong maningning na salamin ng luwalhati ng Amang nais makipag-ugnayan.



Dama ito sa mga pagsaksi, sa pagpapahayag ng mensahe, sa mga himala atbp., at hindi rin maaaring ang Diyos-na-nagkatawang-tao ay hindi makatanggap ng pagsalungat at pagtanggi ng mundong makasalanan (Jn 15.18).



Ang mga Hudyo at pagano ay nagkaisang iligpit si Hesus dahil sa maraming dahilan, pero higit sa lahat, dahil sa pagkamakasarili.



“Ninanais” ng Ama ang krus, pero hindi bilang paghihirap na kaakibat sa buhay ni Hesus, kundi ang ninanais niya sa krus ay ang tapat na pag-ibig ni Hesus na handang tumungo sa krus, at handang salubungin ang pagsalungat ng mundo maging hanggang pagkapako at kamatayan.



IKALAWA, ang krus ang kondisyon ng buhay na humahamon at nagpapatingkad sa maka-anak na pag-ibig ni Hesus, at sa pamamagitan nito ang pag-ibig ng Ama ay naging bahagi ng mundo.



Ang krus ay hindi bugso lamang ng damdamin, kundi isang pinag-isipan at pinagnilayang gampanin, isang pagbibigay ng sarili sa kapwa.



Ang gampaning ito ay hindi nagaganap maliban kung may pagkakataon, o pangangailangan na dapat tugunan, na siyang nagpapaningas nito; masasabi nating halos nawawasak ang pag-ibig na ito kung hindi maisasagawa ang kanyang misyon.



Walang saysay ang pagmamahal-sakripisyo kung walang pagkakataon, o pangangailangan na mai-sakripisyo.



Sa ganitong diwa, masasabi nating si Kristo na yumakap sa batas ng kaisipan o sikolohiyang pantao, sa kanyang pagdurusa sa halamanan ay doon nakaranas ng  matinding karanasan ng pag-ibig para sa Ama at para sa sangkatauhan na siyang pag-aalayan niya ng buhay bilang mga kaibigan niya (Jn 15.13).



Habang nagdurusa, “natuto” si Kristo ng pagsunod o pagtalima, narating niya ang karanasan ng ganap at malinaw na pasyang pagmamahal bilang Anak.



“Ninanais”ng Ama ang krus, hindi dahill sa mismong krus, kundi dahil “ninanais” niya ang buong puso, totohanan, at buong-buong pag-ibig ni Kristo, kaugnay ang lahat ng sanhi, kundisyon at resulta nito; at si Kristo naman ay “ninais” ding tumanggap ng kanyang bokasyon o misyon bilang tagapagligtas.



IKATLO, ang krus ang saksi na ang kapangyarihan ng kalooban ng Ama ang higit sa lahat, at nararapat ibigay dito ang lahat, at na ang paglilingkod sa Ama sa pamamagitan ng paglingap sa kapwa ang daan upang matamo ng tao ang kanyang ganap na paglago.



Sa Kalbaryo, sa kasaysayan ng tao, naganap at napatotohanan ang isang bagong pangyayari, isang pagsaksi sa pag-ibig para sa Ama at para sa mga kapatid, na higit pa sa lahat ng kasinungalingan ng kasalanan; at kaya nga, “tinutubos” niya ito.



Ang pagtubos ni Kristo ay hindi nagpapadukha sa tao at nagpapayaman naman sa Diyos, kundi nagpapaubaya sa Diyos na ikalat niya ang kaganapan niya sa mga nilikha na pinagkaitan nito. Upang ipahayag ang pagbabago na dala ni Kristo, dapat nating gamitin ang isang salitang may kaugnayan sa pagkakasundo ng mga tao – ang “pagtubos” kaysa salitang “bayad-puri”.



Dapat idagdag agad na ang salitang “pagtubos” ay dapat dalisayin mula sa lahat ng magbibigay ng masamang ideya ng Diyos – halimbawa na siya ay dukha, o makasarili, o kasangkot sa kasamaan, o mga ideyang komersyo. Sa halip dapat unawain ang salitang ito kaugnay ng kaganapan at kadalisayan ng pagmamahal ng Diyos.



Itinuring ni Pablo na ang usapin tungkol sa krus ay hamon sa “karunungan ng mundo” (1 Cor 1:18-31). At sa Katesismo ng Trento, matapos sabihing ang pananampalataya natin ay nakatayo sa kapangyarihan ng krus, idinagdag: kaung mayroon higit na mahirap unawain ng isip at katalinuhan, ito ay ang misteryo ng krus, ang pinakamahirap sa lahat. Makipot ang pang-unawa natin sa kaligtasan na galing sa krus at sa kanyang napako sa krus.

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

GOMBURZA: BAKIT MAHALAGA?

ANG 12 BUNGA (MGA BUNGA) NG ESPIRITU SANTO