IKA-3 LINGGO NG KUWARESMA K



MAHIRAP NA PANAHON





May nagsulat na ang Pasko ay mahirap na panahon para sa mga dukha. Ang panahong ito ay naging sobrang magarbo, mabusisi at mamahalin na tanging mga mayayaman lamang ang nage-enjoy dito. Ano ba ang paki natin sa dukhang mga pastol, dukhang sabsaban, at sa dukhang Sanggol?



Ang Kuwaresma ay isa ding mahirap na panahon… para sa mga makasalanan. Ang panahong ito ay laan sa pagsisisi at pagkakasundo, sa pagpapatawad at pagbabago – mga magagandang salita at matatayog na kaisipan.



Kumakagat ang mga tao sa tradisyon, langkay-langkay sa pagpunta sa mga debosyon, prusisyon pilgrimages, at ritwal. Maraming sumasali para sa libreng t-shirts, libreng angkas at pagkain. At ang tunay na lumalago ay ang mga taong natuto na ngayon na pag Kuwaresma o Mahal na Araw magpi-picnic, outing, swimming, o mangingibang-bansa. Sino pa ba ang seryoso sa ayuno, panalangin at kawanggawa? Nagiging mahirap ang Kuwaresma dahil naliligaw tayo sa dami ng mga hindi mahalaga at hindi makabuluhang bagay.



Ang mga pagbasa natin ay gabay sa ating makasalanan at liku-likong puso upang hindi maging mahirap kundi maging maayos ang dadaanan natin sa ugnayan natin sa Panginoon. Ang dahilan naman kung bakit nawawala tayo sa focus ay dahil nalilimutan natin ang kahulugan ng panahong ito, tulad din ng pagkalimot natin sa diwa ng Pasko. Ang akala natin, ang Kuwaresma ay tungkol sa kung ano ang ating ginagawa o gagawin para sa Panginoon, samantalang baligtad pala dapat.



Sa unang pagbasa, isang paalala ng masugid na hangarin ng Ama na kabigin tayo at yakapin nang may matimyas na pagmamahal. “Nasaksihan ko ang paghihirap ng aking bayan… Batid ko kung ano ang kanilang hirap… bumaba ako upang iligtas sila…” Masyado tayong aktibo, malakas, palaboy kaya gusto nating tayo ang may control ng lahat. E ano kaya ang mangyayari kung hayaan natin naman ng Panginoon na kumilos sa Kuwaresmang ito – na damhin ang ating sakit, hipuin ang ating pait, pawii ang ating mga takot? Magkakaroon kaya ng tunay na paghilom at pagbabagong-buhay?



Sa Mabuting Balita naman ang talinghaga ni Hesus tungkol sa punong walang bunga, na ayaw muna ipaputol ng hardinero upang mabigyan ng pagkakataon sa susunod na anihan. Ganyan ang Diyos tumaya sa atin. Laging bukas ang pinto upang makatuloy tayo at mabilad sa kanyang awa at pag-ibig. Magkakaroon kaya ng kaibahan kung ngayong Kuwaresma mas bukas tayo sa pag-alala na lagi tayong niyayakap at pinupuspos ng Panginoon ng mga biyaya? Hindi kaya mag-umapaw ang puso natin sa pasasalamat at kababaang-loob?



Hindi kailangang maging mahirap ang landas ng Kuwaresma, kung tatanggapin lamang natin na “ang Panginoon ay butihin at maawain.”


-->

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS