MAGPASENSYA… UMAGA AT GABI
BAWAT ARAW KASAMA SI
SAN FRANCISCO DE SALES 6
Marami ang nagkakamali na bumuo
ng kanilang buhay espirituwal sa gitna ng mga mahahalagang krisis at malalaking
oportunidad sa kanilang buhay, na bihirang namang maganap.
Tuloy hindi tayo nagiging handa
na asikasuhin at pakinabangan ang mga mumunting bagay na inilalahad sa atin
bawat araw.
Tunay na mas mainam kung
magbabawas ng pansin sa mga malalaki subalit bihirang pangyayari, at ihanda na
lang ang sarili at mas gawing bukas sa mga malimit na maliliit na bagay na
siyang sangkap ng ating pang-araw araw na buhay.
Tinatawagan tayong lahat na
magsikap tungo sa kabanalan gaya ng sinasabi sa atin ng Panginoong Hesus at ni
San Pablo.
Subalit dapat nating tandaan na ang
kabanalan ay binubuo ng pagtupad sa kalooban ng Diyos, ng paggamit ng kalooban
niya bilang pamantayan ng lahat ng ating mga pasya, malaki man o maliit.
Lalayuan natin ang anumang nais
ng Diyos na iwasan at gagampanan naman lahat ng nais niyang marating natin sa
kanyang ngalan.
At gagawin natin ito hindi lamang
sa mga malalaking bagay at mga seryosong pagsubok kundi pati sa mga maliliit na
problema at munting mga pagkakataon.
Isang mahalagang bagay, at tunay
na madamdamin, ang maghanda para sa isang mabuting kamatayan, subalit kasing
halaga din nito ang maging handa, kalakip ng maraming pagpapapasensya, na
harapin ang bawat araw at ang mga tila walang kuwentang mga pagsubok na dala
nito.
Sa buong maghapon:
MAGPASENSYA AT MAGTIMPI NG SARILI…
ARAW AT GABI