IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
GAANO KALAKAS KA SA
DIYOS?
Isang kasambahay ang bibili ng
lotto noong nakaraang Disyembre.
Naisip niyang huminto sa altar ng
amo niya.
Hinawakan niya ang imahen ni Jesus
at mataimtim na nagdasal.
Tapos, bumili na siya ng tiket.
Alam ninyo, ilang araw
pagkatapos, isa na siyang milyonarya!
Ngayon ang daming nakapila sa
labas ng bahay ng kanyang dating amo upang humawak sa imahen ni Lord doon bago
tumaya sa lotto!
Mahal ng Diyos ang mga dukha,
mahihina, at mga inaapi, alam natin iyan. Nasusulat iyan.
Pero sobrang mahal ba niya sila
na gumawa siya ng maraming dukha sa mundo ngayon?
Hindi ba siya nakikinig sa
milyones na nagdarasal para matupad ang kanilang pangarap?
Ang mga pagbasa natin ay gabay sa
pang-unawa sa malalim na puso ng Ama.
Sabi sa unang pagbasa (Sirach 35/
Ecclesiastico 35), sabi sa atin, “ang dalangin ng mapagpakumbaba ay tumatagos
sa mga ulap at hindi tumitigil hanggang di umaabot sa Panginoon.”
Hindi pala naghahanap ang Diyos
ng simpleng kahirapan lamang… sa halip, ang dukha na mapagpakumbaba!
Iyong buong tiwala, buong
pagsuko, pagpapahayag ng matinding pag-asa sa kanya at sa kanya lamang.
Kay daming tao sa mundo – mahirap
at mayaman – na ang puso ay hindi nakatutok sa Panginoon.
Ang puso natin ay nakakiling sa
ating lakas, ari-arian, opinyon, yabang, galit at mga kasalanan..
Habang may ibang nagiging saligan
ng ating buhay maliban sa Diyos, hindi tayo ang mahihirap na tinutukoy ng
Kasulatan.
Silipin natin ang Gospel (Lk 18).
Ang Pariseo ay relihyoso at
sobrang madasalin din.
Pero namumutawi sa kanya ang sariling
katiyakan at kayabangan.
Ang tagasingil ng buwis o
publikano (na itinuturing na makasalanan ng mga Hudyo) ay malinaw namang
nakatingala lamang sa Diyos at sa kanya humuhugot ng lahat-lahat – “Diyos ko,
maaawa po kayo sa akin!”
Kaya pala, naantig ang puso ng
Panginoon sa tila mabangong insenso ng panalangin ng tagasingil ng buwis, pero nabantutan
siya sa alingasaw ng ka-plastikan ng Pariseo.
Hindi ko maipaliwanag kung bakit
nga ba nag-jackpot si Inday noong araw na iyon.
Siguro dahil hindi lamang siya
mahirap at nangangailangan ng tulong.
Siguro dahil din sinunggaban niya
ang kamay ng imahen ni Jesus, at taimtim na ipinagkatiwala sa kanya ang buong
buhay niya.
Ang dami ko nang narinig na
ganyang kuwento ng mga taong nabiyayaan nang matindi dahil pinabayaan nila ang Diyos
na magharing todo-todo sa kanilang puso.
Ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka
na diyan.
May jackpot, sa iba’t-ibang anyo,
na naghihintay sa iyo!
huwag kalimutang ibahagi sa kaibigan...