BAKIT MAY KALAPATI SA PAANAN NG BIRHEN NG FATIMA?
Noong 1946, ipinagdiwang sa Portugal ang ika-300 taon ng Mahal na Birhen bilang Patrona ng bansa.
Napili ang Mahal na Birhen ng Fatima upang maging tampok sa pagdiriwang noong November 23, 1946. Pagkatapos ang imahen o estatuwa, na lulan sa andas na buhat ng mga pari at layko, ay inilibot sa buong bansa hanggang makarating sa Katedral ng Lisbon. Doon, noong Disyembre 8, Dakilang Kapistahan ng Immaculada Concepcion, naganap ang pagpapanibagao ng pag-aalay ng buong bansa sa kanilang dakilang Patrona.
Kakaiba ang naganap sa paglilibot ng Mahal na Birhen lalo nang papalapit na sa Bombarral, 40 kilometro mula sa Lisbon. Tinawag itong "Himala ng mga Kalapati" ng Bombarral.
Bilang parangal sa Mahal na Birhen, nagpakawala ng 5 kalapati habang pumapasok ang imahen sa mga lansangan ng Bombarral noong Disyembre 1. Sa dami ng mga taong umaawit, hindi halos napansin ang mga kalapati.
Nakakagulat ang sumunod na pangyayari. Tatlong kalapati, na sa halip na lumipad palayo ay dumapo sa paanan ng imahen ng Mahal na Ina. Nanatili sila doon sa kabila ng mga taong nais silang bugawin at itaboy papalayo.
MGA BANTAY NG MAHAL NA BIRHEN
Habang naglilibot ang imahen sa iba pang mga bayan, naroon pa rin ang mga kalapati na tila mga puting bantay o kawal ng Mahal na Ina. Kahit sa ingay ng mga tao, lakas ng mga awit, paputok at lucis, init ng araw o ulan man, paggalaw ng andas, mga panalangin at seremonyas na naganap - hindi iniwan ng mga kalapati ang paanan ng kanilang minamahal na imahen.
Minsan, lumilipad sila at umiikot sa imahen na para bang nais ipakitang malaya sila at hindi nakatali o nakadikit sa andas. Hindi rin kumakain o umiinom ang mga ito sa kabuuan ng paglalakbay. Pati ang media ay napansin din ito at inilathala sa mga diyaryo noon; hanggang buong Europa at maging sa USA ito napabalita.
Dumating sa Lisbon ang imahen noong Disyembre 5. Napakaraming naging interesado na sa tinawag nilang "himala ng mga kalapati." Natuwa ang lahat ng nakakita. Naroon ang mga kalapati hanggang sa pagpasok sa simbahan ng Fatima kung saan gagawin ang mga huling seremonyas ng pagdiriwang. Nasa paanan ng Birhen ang mga kalapati sa kabuuan ng Disyembre 5 at 6.
Nang nagsimula ang prusisyon kinabukasan para ilipat sa Katedral ng imahen, masaya at maingay ang mga tao. Hindi umaalis ang mga kalapati na minsan ay nagkakampay ng mga pakpak nila para magkaroon ng balanse at huwag mawalay sa kanilang dinadapuan sa gitna ng mahabang prusisyon.
Ala-1 na ng umaga nang Disyembre 8 nang dumating sa Katedral ang imahen. Isa sa mga kalapati ay lumipad sa tore nang halos isang oras at matapos ay bumalik din sa paanan ng Birhen. Sa kabila ng dami ng tao, hindi natinag ang mga kalapati.
Sa Misang pinangunahan ng Kardinal Patriarka ng Lisbon, Manuel Cerejeira, nang narinig ang mga kampana para sa Konsegrasyon ng Katawan at Dugo ni Kristo, dalawa sa mga kalapati ang lumipad, isa ay dumapo sa bahagi ng Ebanghelyo at isa sa bahagi ng Epistolaryo ng altar. Pagtaas ng Banal na Ostia ng obispo, tiniklop nila ang kanilang mga pakpak na tila sumasamba sa Panginoon.
Ang ikatlong kalapati naman ay nasa paanan lang ng imahen pero nang magko-Komunyon na ay lumipad at dumapo sa korona ng Birhen. Sa pagsabi ng obispo ng "Ito ang Kordero ng Diyos..." ibinuka nito ang mga pakpak niya.
Nang pabalik na sa Fatima ang imahen, lumipad na ang mga kalapati pero may tatlo pang iba na pumalit sa kanila at nanatili hanggang makarating naman sa Fatima bago ang Pasko.
Maraming imahen ng Fatima ang nagpapakita ng tatlong kalapati sa paanan ng Birhen, bilang paalala sa himala sa Bombarral.