IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY K

 


LUWALHATI MULA SA KRUS

JN 13: 31-35

 


 

 

Isang kabataan ang humarap sa matinding problema sa buhay. Naisipan niyang konsultahin ang isang matandang puno ng karunungan. Maikli at simple lang ang payo nito sa kanya: Matapos ang krus, naroon ang luwalhati!

 

Sa mabuting balita ngayon, ang tema ni Hesus ay luwalhati. Sa ebanghelyo ni San Juan may bahagi na ang tawag ay Aklat ng Luwalhati at dito hango ang ating pagbasa. Ano ba itong luwalhating binabanggit ng Panginoon? Ito ang kanyang maringal na pagbabalik sa Ama, ang pagpapakilala ng kapangyarihan ng Ama sa kanyang katauhan. Iaangat at titingalain siyang tunay na Anak ng Diyos na nakaupo sa kanan ng Ama.

 

Pero napansin ba ninyong may munting pagbanggit kay Hudas sa pagbasa? Tanong ko nga sa sarili ko: ano ginagawa nito dito? Tila asungot na sumulpot kahit hindi inaasahan, isang Maritess na nakasilip at nagmamanman. Ang pagbanggit kay Hudas ay tila karatula, aral, at paalala. Hindi mararating ni Hesus ang luwalhati nang madali. Magiging bunga lamang ito ng pagsalungat, pagsubok at paghihirap hanggang sa kamatayan sa krus. Kahit Anak ng Diyos kailangang pagsumikapan muna bago kamtin ang luwalhati.

 

Ang sarap siguro ng buhay na madali at kumportable di ba? Yung makukuha mo lahat ng gusto mo, makakain lahat ng ninanais, mararating lahat ng pangarap? Kay saya nung lahat ng mabuting hangad mo ay nakahain na sa harap mo at dadamputin na lamang. Pero hindi, bahagi ng misteryo ng buhay na ang landas ay batbat ng mga krus na papasanin, lalampasan at titiisin. Tulad ni Hesus, ang luwalhati natin ay nasa pagyakap muna sa krus. Tunay nga, matapos ang krus, saka lamang luwalhati.

 

Tinuturuan din tayo ng Panginoon kung paano pagdugtungin ang krus at luwalhati. Sa pagpasan ng krus, hindi reklamo o himutok o pagdadabog, kundi pag-ibig ang kasangkapan ni Hesus. Kaya nga, malakas ang loob niyang magbilin sa atin: ito ang bagong utos ko – magmahalan kayo. Tinanggap ni Hesus ang krus niya na may higit na pagmamahal kaysa pagdurusa. Ito ang nagpabago sa krus upang maging sakripisyo, pag-aalay at paghahandog sa Ama at sa atin. Kahit nandyan pa ang anino ni Hudas, ang liwanag ni Hesus ay higit na maningning dahil sa pag-ibig niya sa harap man ng krus at pagdurusa.

 

May nakalaang luwalhati sa ating mga pagsisikap sa mundong ito sa tulong ni Kristong Muling Nabuhay. Ipanalangin nating matuto tayong magmahal tulad niya, magmahal sa ating krus araw-araw, magmahal sa gitna ng anumang pagsubok at unos.

 photo: fr tam nguyen (salamat po!)

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS