SAINT OF JULY: APOSTOL SANTO TOMAS

HULYO 3

 


 

A. KUWENTO NG BUHAY

 

Madaling matandaan ang buod ng kuwento ng buhay ni Santo Tomas na apostol ng Panginoong Hesukristo. Lalong alam ng lahat ang kanyang kakulangan ng paniniwala na nabuhay muli ang Panginoon mula sa kamatayan.

 

Pero siguro madali siyang matandaan sa aspektong ito ng kanyang buhay sapagkat maraming mga tao ang nag-aalinlangan din sa pananampalataya sa iba’t-ibang yugto ng kanilang buhay. Sino nga ba ang may napakatatag na pananampalataya na hindi man lamang natitinag sa gitna ng mga pagsubok?

 

Si Santo Tomas ay isa sa mga alagad na wala doon noong unang magpakita ang Panginoon sa mga apostol pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay (Juan 20:24). Ibinalita ng mga alagad sa kanya ang kanilang nasaksihan.

 

Subalit sinabi ni Tomas: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala” (Juan 20:25).

 

Hinarap ni Hesus ang kanyang apostol na nagpahayag ng kulang na pananalig.  Pagkatapos ng walong araw, muling lumitaw si Hesus sa kalagitnaan ng mga alagad, kahit na nakasarado ang mga pinto.

 

Pinagbigyan ni Hesus ang kahilingan ni Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala… (Juan 20: 27).

 

Isinigaw ni Santo Tomas ang kabuuan ng pananampalatayang pam-Paskuwa, o ang sentro ng pananampalataya ng buong sambayanang Kristiyano kay Kristong muling nabuhay:  “Panginoon ko at Diyos ko!”

 

Ang mga tagpong ito ang katibayan ng Mabuting Balita tungkol sa karanasan ni Santo Tomas bilang tagasunod ni Kristo. Wala nang ibang detalye ng kanyang buhay ang nasasaad pa doon.

 

Subalit sinasabi na sa paghihiwalay ng mga apostol upang magmisyon, si Santo Tomas ay naglakbay at nakarating sa bansang India.  Dito niya tagumpay na ipinangaral ang Mabuting Balita.  Hanggang ngayon sa India ay may mga Kristiyanong tinatawag na Thomas Christians, dahil naniniwala silang ang kanilang pananampalataya ay isinalin sa kanila ng nasabing apostol.

 

Ang apostol na ito at dakilang misyonero ay namatay noong 1st century ng Kristiyanismo, sa lugar na itinuturo ng ilan sa Mylapore o sa Calamina sa India.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Minsan ay dumarating sa ating buhay na humihina ang ating pananampalataya. Gabayan nawa tayo ni Santo Tomas na mabawi ang ating pananalig at mapatibay ang ating paniniwala sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-alala sa mga kabutihan at biyaya niya sa ating buhay.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

 

Jn 20: 28

 

Sumagot si Tomas sa kanya: Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!

 

 

 

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS