IKA-18 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
KATUWANG NIYA TAYO SA PAGMAMAHAL
image, thanks to the internet...
Ano itong sinasabi sa unang pagbasa (Is 55:1-3)? Ang pinakaaasam na “eat all you can!”
Kumain at uminon… walang bayad, hindi kailangan ang pera. Basta pasok lang at makisalo!
Inilalarawan ng Panginoon ang kailangan ng lahat…
Uhaw tayo, gutom tayo…
At narito ang Diyos upang painumin at busugin tayo, at bigyan ng saganang buhay!
Kahanga-hanga! Wala nang mas matatag pang buhay, walang tigil ang daloy ng supply!
Ito ang sinasabi sa Bible. Pero ito ba ang nagaganap sa buhay?
Sa pandemyang ito, ang daming nawalan ng trabaho, ang daming nagtiklop na negosyo, ang daming nagugutom sa bansa.
Tama, tumulong naman ang gobyerno, ilang kilong bigas at lata ng sardinas, ayudang pera na pantawid buhay. Pero sa may pamilya, ilang saingan lang ito? ilang beses ba kumakain ang tao?
Nitong lockdown, may nakita akong lalaking may dalang sako ng mga manggang hilaw, sa gitna ng malakas na ulan.
Naglinis siya ng bakuran ng isang mayaman at ito ang upa sa kanya. Kailangan muna niyang ibenta bago maging pera at maiuwi sa pamilya.
Nagko-construction worker sila ng kanyang ama, kaso nahinto dahil sa virus.
Kaya nga, nasaan ang “eat all you can” ng Diyos? Nasaan ang libreng inumin at pagkain? Pangarap lang ba?
Totoong nagpapadala ang Diyos ng biyaya; huwag magduda sa kanyang pagmamahal, pagkalinga, at kabutihan.
Pero laging naghahanap ang Diyos ng mga kasangkapan para matupad ang kanyang pangarap sa mundo.
Sa Mabuting Balita (Mt 14), nang ang mga apostol ay nagtanong sa Panginoon tungkol sa pagkain ng madla, ang sabi ni Hesus sa kanila: kayo ang magbigay ng pagkain sa kanila!
Laking gulat ng mga apostol. Si Hesus ang miracle-man, hindi sila. Pero unti-unti naunawaan nila…
Sila pala ang iikot sa mga tao, makikipag-usap, makikinig sa hinaing, at magpapamudmod ng pagkain.
Nakarating ang kagandahang-loob ng Panginoon sa kahuli-hulihang gutom na tao sa madla, higit 5,000 ang nandun noon, sa tulong nga mga apostol. Bahagi sila ng plano ni Hesus na tumulong sa kapwa.
Nang marinig ko ang lalaking tumatawag sa gate at basing-basa sa ulan, tinawag ko siyang pumasok sandali at magpahinga… kumain ng konting meron pa sa kusina.
Hindi marami… pero sigurado akong tanda iyon ng pagmamahal ni Hesus sa pamamagitan ko.
Mahirap talaga ang buhay ngayon para sa marami subalit hindi tumitigil ang daloy ng biyaya ng Diyos.
Umaayon ka bang maging bahagi ng plano ni Hesus na magdala ng pagmamahal at pagkalinga sa kapwa, sa mga kapatid mong nangangailangan sa paligid mo ngayon?
(Paki-share sa kaibigan…)
Comments