IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO B
PAGKUMPUNI NG DADAANAN…
Nasa panahon tayo ng Adbiyento muli, at nitong nakaraang linggo nagnilay tayo sa mga surpresa ng buhay – iba dun ay okey at iba ay hindi maganda. Pero lahat ng surpresa ay maaaring tanggapin ng may pananampalataya, sa kaalamang kayang gawin ng Panginoon na baguhin ang masama at gawing mabuti at kaaya-aya… kung kaya nating magtiwala, kung nais nating manalig!
Ngayon, kunwari lang, tayo ay naglalakbay sa isang malayong probinsya na pangit ang kalsada. Malubak, maalikabok, maputik kasi di pa maayos ang daan. Nakaranas na ba kayo ng ganito?
Hindi lang mabagal ang biyahe. Nakakapagod pa at masakit sa katawan. Hindi ka parang hinehele na sanggol. Kundi para kang niyuyugyog, binubugbog, itinatapon – baba, taas, kaliwa, kanan, at harapan pag preno ng sasakyan! Kaya nga kahit nakaupo lang tayo sa sasakyan e parang ang kirot ng pakiramdam; tila ka nag-hiking pataas ng bundok.
Kapwa sa unang pagbasa (Is 40) at sa Mabuting Balita (Mk 1) tinatawagan tayong magsimula ng construction ng kalsada ng ating buhay. Paparating ang Panginoon at hindi natin nais na maglakbay siya palapit sa atin na may pagod at hirap… ayaw nating magka-trobol siya sa daan.
Punuin ang lambak (mababang lugar)… patagin ang bundok (mataas na lugar)… tuwirin ang liko-liko… Ang buhay pa naman ay puno ng lambak, bundok at likuan… At ang tanging kailangang pagawain o construction para ayusin ito ay pagsisisi at sakripisyo.
Opo, kahit sa panahong ito ng Adbiyento nais na nating lumundag sa Pasko – sa pagdiriwang, ligaya at piging – hindi maaaring kung walang paghahanda para kay Hesus sa ating puso na handang mag-sakripisyo at magbago. Sa Italy, bago ang Pasko, lahat ay nagpupunta sa Kumpisalan upang magkaroon ng malinis na puso bago ang Pasko.
Ayon kay San Francisco de Sales, sakripisyo lang ang makapupuno sa lambak, magpapababa ng bundok at magtutuwid sa likong daan.
Sa tulong ng sakripisyo, maibababa ang bundok ng kayabangan… o anumang nagtutulak sa ating mag-isip na tayo ay mas mataas kaysa iba – pagmamalaki, Kontrol, galit, pag-iwas sa iba, pagtigil ng komunikasyon sa iba, kaaway man o mahal sa buhay na nakaalitan.
Sa tulong ng sakripisyo, pupunuin ang lambak ng katamlayan… o anumang naghihila sa atin sa buhay na walang saysay – katamaran, kawalang gana sa trabaho o bahay, kawalang pakialam sa iba, kawalang kusa, o mahinang pananampalataya at tiwala sa Diyos.
Sa tulong ng sakripisyo, kayang tuwirin ang likong daan ng kasalanan… a anumang nagpapakipot sa tibok ng puso – kadamutan, poot sa kapwa, hindi pagpapatawad, bisyo o masamang ugali.
Mas alam natin kung ano ang bundok, lambak at likong daan ng buhay. Nais ng Panginoon na lumapit sa atin kaya alay niya ang pagkakataong magkumpisal, magsisisi, at magbago ng landas ng ating buhay.
Mahal niya tayong lubos kaya anuman ang kundisyon ng puso natin, darating pa rin siya. Pero gaano natin siya kamahal na handa tayong maghanda at magbago upang mayakap siyang lubos?
Maglaan tayo ng panahon ngayong linggo upang alamin kung ano ang paghahandang magagawa natin sa ating puso para makamit ang biyaya ng kagalakan ng Pasko… ang biyayang masalubong ang Panginoong Hesukristo!
Paki-share sa kaibigan… ang larawan sa itaas ay mula sa internet; Salamat po!
Comments