IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO B


IPINAHAYAG AT HINDI IKINAILA

 

 


 

Nakakagulat ang panahon! Akala natin hindi tayo makakapagdiwang ng Pasko sa taon ng pandemyang ito, pero eto at nasa ikatlong linggo na pala!

 

Sinasabi sa atin ng Panginoon na walang makapipigil sa pagninilay sa kanyang pag-ibig sa panahong ito… higit pa nga nating kailangang madama ang pagmamahal ng Diyos sa Pasko sa gitna ng mga pagsubok ngayon. Pandemya man, tuloy na tuloy pa rin ang Pasko!

 

Inihahanda tayo ng unang linggo para sa mga dumarating na bulaga sa ating buhay. sa ikalawang linggo naman hinahamon tayong alisin ang mga balakid sa dadaanan ng Panginoon. At ngayon, isa pang paghahanda ang inilalahad sa atin, ang kababaan ng puso at isip.

 

Naging tanyag si Juan Bautista. Nagkukumpulan ang mga tao para makinig sa kanyang pangangaral at makita ang kanyang buhay. kay tagal na wala silang propeta at ngayon sa disyerto, tila umusbong ang isang bagong propeta. Kaya lahat ay nahahalinang lumapit at magtanong. Ang mga pari, levita at pariseo ay nagtatanong kung sino ba siya at ano ang kanyang misyon (Jn 1).

 

 “At kanyang ipinahayag at hindi ikinaila” na hindi siya ang Kristong… kasangkapan lamang siya sa pagdating ng Mesiyas. Ang kababaang loob niya ay dakila. Kaya niyang magyabang; kaya niyang paniwalain sila at akitin bilang tagasunod. Subalit mas kilala ni Juan ang kanyang sarili. Kaya “ipinahayag niya at hindi ikinaila.”

 

Ano ba ito? Di ba kapag ipinahayag e ibig sabihin hindi itinatanggi? At kapag hindi itinatanggi e ipinapahayag naman? Inamin ni Juan ang katotohanan… at hindi niya ikinaila sa kanila ang totoo. Ito ang tunay na kababaan ng puso. Hindi siya nagimbento ng kuwento upang ipagmalaki ang sarili o ipagtanggol ang sarili; sapat na ang aminin kung sino siya at ano ang misyon niya.

 

Ito ang maaari nating pagnilayan ngayon. Minsan kasi inaamin natin o ipinapahayag ang isang bagay na nagawa nating masama o di kaaya-aya, pero may buntot na paliwanag bakit nagawa natin ito o kung bakit hindi tayo dapat ang sisihin. Mahilig tayong umamin pero lumusot din. “Kinuha ko ang pera kasi ang damot niya e.” “Nagsinungaling ako kasi takot akong maipit sa gusot.” Habang ipinapahayag natin, lumulusot din tayo para huwag lubhang magmukhang masama. Hindi ito kababaang-loob.

 

Sa paghahanda sa Pasko, ipakita natin ang katapatan natin kay Hesus sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ating kahinaan at kasalanan. Walang paliwanag; walang palusot; walang kuwento. Nauunawaan naman ng Panginoon ang pangyayari. Ang nais niya ay “aminin at huwag ikaila” sa kanya ang ating kabulukan upang mabago niya ang ating puso; upang magkaroon siya ng puwang na akayin tayo sa kabanalan. Magaganap lamang ito kung mayroon tayong tunay na kababaang-loob tulad ni Juan Bautista.

 

Paki-share sa kaibigan… ang photo sa itaas ay mula sa internet (Salamat po!)

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS