IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 


MARAMI… LALONG MARAMI

LK. 12: 32-48

 


Tila mahaba ang ebanghelyo natin ngayon at natutukso akong ituon muna ang pansin sa huling mga salita ng Panginoong Hesus: “Ang binibigyan ng marami ay hahanapan ng marami; at ang pinagkakatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.”

 

Ano ba itong ibinibigay na ito? Ano itong ipinagkakatiwala daw sa atin? Walang iba kundi ang kaloob na pananampalataya! “Huwag kayong matakot,” kahit kayo ay “munting kawan” sabi ng Panginoon. May kapangyarihan kayo upang maging matatag sa gitna ng mga unos ng buhay. At ang pananampalatayang ito ay hindi lang regalo. Ito din ay atas, pananagutan, responsibilidad, at hamon; isang udyok para tayo kumilos. Gift talaga, pero homework din, kung tutuusin. Kaya nga, may hahanapin din sa atin, may pananagutin din sa atin.

 

Sa ebanghelyo sinasabi na unang-una, ang Panginoon ay umaasang aariin nating kayamanan ang tunay na mahalaga sa lahat. Para sa marami ngayon, ang mahalaga ay ang pumapasok sa wallet o sa bank account, dahil dito nagiging sigurado ang buhay. Pero hindi ba’t ang mga kayamanang ito ay dumarating at naglalaho din? Kailangan nating tuntunin at pahalagahan ang tunay na kayamanan – ang ating mabuting ugnayan sa Diyos at sa ating kapwa tao.

 

Ikalawa, umaasa ang Panginoon na magiging tapat tayo at maaasahan. Ilang beses na nating nadinig ang kuwento ng mga Pinay OFW na naging bayani sa buhay ng mga bata na kanilang inaalagaan sa ibang bansa. Sobrang paglilingkod at pagmamahal ang ibinahagi nila sa mga amo nila doon. Ganito din ang katapatan na dapat nating ipakita sa Diyos, higit sa lahat. Anumang pananagutan ang ipagkaloob sa atin, sikapin nawa nating magbigay ng ganap na pagtatalaga ng sarili, ng puso at kaluluwa.

 

Malinaw sa Panginoong Hesus na sa kanyang pagbabalik, hahanapin niya ang nakasinding ilaw na hawak ng ating mga kamay. Ang ilaw na tanda ng buhay na pananalig sa kanya. At hahanapin din niya ang katapatan natin sa responsibilidad na ipinataw sa atin, may nakakakita man sa atin o walan, napapansin man tayo o hindi. Ang tunay na pananampalataya ay hindi lamang sa salita at hindi pakiramdam; kundi nakikita kung paano nating matiyagang pinayayabong at pinalalalim ang ating ugnayan sa Panginoon at sa ating kapwa.

 

Maaaring hindi natin laging nadarama ang naglalagablab na pananampalataya sa ating puso. Maaaring hindi tayo laging mulat sa tulong na dulot ng ating pananampalataya. Subalit lagi nating taglay ang kaloob, ang dakilang regalo ng pananampalatayang ito. May nabasa ako na ang sabi: pagdudahan mo muna ang mga pagdududa mo bago mo pagdudahan ang iyong pananampalataya. Palagay ko, tama ito dahil mas malakas at mas totoo ang pananampalataya kesa anumang takot at pangambang mayroon tayo ngayon. May inaasahan si Hesus sa atin; may hinahanap siya – buhay na pananampalataya!

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS