IKA-20 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
PAGKAKAISANG KAKAIBA
LK 12; 49-53
Nitong nakaraaang kampanya para sa halalan, nakita natin ang napakasagwang paglaganap ng maling balita, huwad na impormasyon at binaluktot na kasaysayan at katotohanan. Kaya kaydaming mga kabataan na natutuong kumilatis, magtuwid at magsaliksik. Nagbunga ito ng alitan sa kanilang mga magulang na tila panatag na sa situwasyon at sanay nang makisabay sa anod. Isang magulang pa nga ang nagsulat sa paaralan ng anak at pinagsabihan ang mga guro doon na huwag magtanim ng mga bagong kaisipan sa isip ng kanyang anak.
Isa sa pinahahalagahan natin ay pagkakaisa… kahit pabalat-bunga lamang ito. Ayaw nating nasisilip ng iba na may lamat ang ating mga ugnayan, na makalog ang akala nila ay matibay na bigkis ng ating mga pamilya. Sanay tayong magpanggap – magpakita ng ngiti kahit nagdurugo ang puso at kunwaring masasayang pamilya kahit sa totoo lang, kumukulo ang mga damdamin doon. Magpapanggap tayong nagkakaisa kesa tunay na harapin at ayusin ang mga suliraning kinakaharap natin.
Sa mabuting balita, nadinig natin ang isang kontrobersyal na salita ng Panginoong Hesus: “Naparito ako hindi para sa kapayapaan… kundi sa pagkakawatak-watak.” Paano yun? Hindi ba’t nagpakahirap ang Panginoon para akayin tayo sa kaharian ng Ama? Nagdasal siya para sa pagkakaisa ng mga alagad sa huling hapunan? Nagsabi siyang pag ipinako siya sa krus, titipunin niya tayong lahat sa pagkakasundo?
Itinuturo sa atin ng Panginoon na ang dulot niyang kapayapaan, pagkakaisa, pagkakasundo, at pagsasama-sama ay hindi panandalian. Hindi ito huwad. Hindi din mababaw. Ang sinumang susunod sa kanya ay gagawa ng pasya para sa sarili at hindi ayon sa udyok ng kapwa, gaano man ang impluwensya o relasyon ng mga ito sa kanya. Ang pagkatagpo kay Hesus at sa mga aral ni Hesus ay paggawa ng mahirap na pasyang humiwalay maging sa ating mga pinakamamahal, kung kinakailangan.
Maraming Muslim na nag-convert sa Kristiyanismo ang kailangang lumayo upang makaiwas sa galit ng pamilya at pamayanan nila. May mga empleyadong nakikipaglaban sa karapatan nila na dapat pang humanap ng ibang trabaho. Gumuguho ang samahan ng pamilya man o barkada kapag pumasok na ang usapin ng prinsipyo, katotohanan, at karapatan. Sa gabay ng Espiritu Santo, maaaring matagpuan ng mga Kristiyano ang sarili nila sa gitna ng hidwaan o pagsalungat ng mga taong mahal nila o malapit sa kanila.
Naranasan mo na ba ang pakikipaglaban sa iba dahil sa pananampalataya mo, o sa mga prinsipyo mo, o sa mga pinahahalagahan mong paniniwala? Ipanalangin nating magkalakas-loob tayong humingi ng tulong ng Panginoong Hesus na siyang laging pumapatnubay sa mga alagad sa gitna ng mga pagsalungat o pag-aalitan sa mundong ito.
Comments