IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA
ANG PAGSUBOK SA DAAN NG PAGBABAGO Nakabasa ako ng isang mensahe tungkol sa Kuwaresma: naglalagay tayo ng abo sa noo hindi upang ipakita na tayo ay banal kundi upang ipahayag na tayo’y makasalanang nangangailangan ng habag ng Diyos. Totoo nga na ang Kuwaresma ay taunang paalala na kailangan nating magbago. Nakikita natin ang ating kamalian at tinatanggap natin na wala tayong lakas na maging tulad ng pinapangarap ng Diyos para sa ating buhay. Kaya sa Kuwaresma, hiling natin sa Panginoon na makilakbay sa atin, basbasan tayo, maging mahabagin sa atin, palayain tayo sa ating nakaraan at akayin tayo sa buhay na bago. Ang pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok ay tila baga napakadali at walang kahirap-hirap. Nagdasal lang at tumayo sa tuktok at ayun na! – nagbagong anyo na siya. Naging maliwanag at nagniningning siya. Pero hindi natin nakikita sa tagpong ito ang bumabalot na mga karanasang naghihintay sa kanya – ang pagbatikos ng mga kaaway, ang pagtataksil ng ...