ANO ISYU MO? PART 9: LORD, SAMAHAN MO PO AKO SA PAGLULUKSA...
Matapos mamatay ang isa kong mahal na kaibigan, ilang araw din akong nagpost sa social media ng kanyang larawan at mga ala-ala. Isa ding kaibigan ko ang nagsabi na tila daw nahihirapan na akong mag-move on. Pagdating sa kamatayan, iyong yugto na tinatawag nating pagluluksa, sino ba ang madaling mag-move on? Mahirap magpaalam at lalong mahirap kung alam mong ito na ang huling paalam. Kung namatayan tayo ng isang mahal sa buhay, ng isang kapamilya at maging ng isang tunay na kaibigan, talagang dadaanan tayo sa madilim na yungib ng pagluluksa; anuman ang edad ng yumao, ano man ang ugali nito, anuman ang karanasan natin dito. At tayo din, anuman ang edad natin, katayuan o kalagayan, tinatamaan tayo ng lungkot, hinagpis, at kawalan. Ang kamatayan ay malungkot na pangyayari kahit saan mo mang anggulo ito sipatin. Subalit ang mangulila, ang mawalan ng isang tao na dati ay takbuhan mo, sandigan mo, kapalagayang-loob mo, at inspirasyon mo, ay karanasang hi...