ANO ISYU MO? PART 8: LORD, ANG HIRAP MAGPATAWAD!

 



Dalawa ang uri ng pagpapatawad. Ang una ay ang “pagpapatawad mula sa kagustuhan.” Ito ang tahasang pagpili na, sa abot ng aking makakaya, anuman ang nararamdaman ko, pangangalagaan ko pa rin ang kapakanan ng nagkasala sa akin. “Sa abot ng makakaya” – mahalaga iyan kasi maaaring ayoko pa rin siyang makausap o ayoko na talaga makipag-ugnayan sa kanya ayon na rin sa aking pagkilatis sa kalooban ng Diyos (halimbawa kung marahas o bayolente ang tao). Subalit sa abot ng aking makakaya, pipiliin ko pa ring magpatawad dahil ito ang aral ng ating Panginoong Hesus sa atin. Hindi ba’t nang magtanong si San Pedro kung pitong beses bang dapat magpatawad (Mt. 18:21-22), ang tugon ng Panginoong Hesus ay hindi pito kundi pitumpung pitong ulit (70x7)… o huwag namang magsimulang magbilang. Iyon namang “pagpili” ay mahalaga din. Ang “pagpapatawad mula sa kagustuhan” ay malayang pagpili ng isang bagay na alam kong tama dahil mula ito sa Diyos.

 

Ikalawang uri ay ang “pagpapatawad mula sa kalooban,” mula sa puso. Hindi natin kayang manipulahin kung ano ang ating magiging damdamin; halimbawa, mahirap magpanggap na mahal mo ang isang tao at mahirap ding tanggihan na nasaktan ka, o napahiya, o nasiphayo. Wala tayong kapangyarihang diktahan ang ating damdamin. Ang “pagpapatawad mula sa kalooban” ay pinagdarasalan, hinihintay na kaloob mula sa Panginoon. Kasama dito ang pagbubukas ng puso na tanggapin ang biyaya ng pagpapatawad, at ang biyayang ito ay regalo ng Diyos.

 

Napakahirap kapag inisip natin ang pinakamatindi nating sakit na dinanas sa kamay ng ating kapwa. Parang buong buhay na hindi natin ito maiwaglit. Nasa araw-araw na panalangin natin na nawa matanggap natin kahit unti-unti ang pagpapapgatawad mula sa puso.

 

Mayroong isang uri ng therapy (na maaari ding ituring na panalangin) na ginagawa tungkol sa pagpapatawad gamit ang imagination. Iisipin mong may dalawang silya sa harapan mo; sa isa, nakaupo ang taong nanakit sa iyo at sa isa naman, nakaupo ang Panginoong Hesus. Sa harap ng Panginoon, kakausapin mo at sasabihin mo lahat ng nais mo sa taong gumawa ng masama sa iyo, pati sigaw, pagmumura, at anumang mapaklang pananalita. Pabayaan mong ilabas mo lahat ang galit sa harapan niya.

 

Subalit sa katapusan, pakinggan mo din sa iyong imagination, kung ano ang sasabihin ng kaaway mo sa iyo. Higit sa lahat, pakinggan mo ang sasabihin sa iyo ng Panginoon. Matapos ito, anuman ang nabuong damdamin sa puso mo, sabihin mo lang: Sinaktan mo ako, pinagtaksilan, niloko… subalit pinatatawad na kita… at mahal kita bilang kapatid. Kung paulit-ulit nating gagawin ang panalangin at therapy na ito… isang araw, magigising ka na lamang na maluwag ang dibdib at may tunay na ngiting naghuhudyat ng bukal na ligaya sa puso.

 

Mahalagang asikasuhin muna natin ang “pagpapatawad mula sa kagustuhan.” Piliin nating gawin ang dapat gawin at iwasan ang dapat iwasan sa taong nakasakit sa atin. Nagsasalita ka ba ng masama laban sa kanya? Sinisiraan mo ba siya sa iba? Ginagawa mo ba siyang paksa ng kuwentuhan o biruan? Tanungin natin ang Panginoon kung may ginagawa ba tayo, sa salita man o sa gawa, upang maghiganti at dahil doon tayo din ay nagkakasala?

 

Isipin din natin ang panahong tayo naman ang pinatawad ng iba. Ano ang nadama natin nang pinagkalooban tayo ng regalo ng kapatawaran sa kabila ng ating pagkakamali at pagkukulang? Magpasalamat tayo sa awa ng Diyos at sa kabutihan ng ating kapwa. Kung matiyaga ating pipiliin ang “pagpapatawad mula sa kagustuhan,” balang araw, darating din tayo sa “pagpapatawad mula sa kalooban,” mula sa puso. Susunod ang puso sa palaging inuulit ng isip natin; may awa ang Diyos.

 

#ourparishpriest 2023

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS