KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO, A

 


LUMALAKI DIN ANG BATA

MT. 18: 1-5

 


 

 

Ang bata ay maliit, musmos. Ang bata ay hindi pa ganap sa maraming larangan ng buhay niya. Mahina ang bata at maligalig. Walang karanasan sa buhay ang bata. Ang bata ay walang magagawa kung hindi tutulungan o sasaklolohan.

 

Bakit tayo pinapayuhan ng Panginoong Hesus na ihawig ang ating buhay sa isang bata? Hindi dahil ang bata ay bulilit, malambing at nakagigiliw, kundi sa katotohanang ang bata ay may natatagong kakayahan o potensyal. Maliit ngayon, pero magiging malaki balang araw. Hindi ganap, subalit magiging hinog at husto sa kinabukasan. Mahina, subalit magkakaroon ng lakas. Walang karanasan, subalit maaaring maging matalino at marunong. Walang magagawa ngayon subalit habang lumalaon, magiging malikhain, maparaan, at matatag.

 

Huwag nating gamitin ang mga kataga ng Panginoong Hesus upang manatiling bata, tularan ang mga limitasyon ng bata, o maging panatag na laging bata. Marami kasing mga tao ang mas nanaisin pang kumilos tulad ng bata o ng sanggol upang ituring at tratuhing bata o sanggol. Tila dito sa ugaling ito nagmula ang isang bagong salita natin – “pabebe.”

 

May mga taong ayaw tumanggap ng pananagutan. O ayaw harapin ang katotohanan. Laging nakatuon sa sarili lamang. Tumatangging lumago sa emosyon, pag-iisip, at espirituwalidad.

 

Maging tulad ng bata, sabi ng Panginoong Hesus, subalit sa malalim at makabulahang saysay nito. Ang bata ay mapagtiwala sa magulang, laging nakahawak o nakakapit. Subalit ang bata din ay handang matuto sa magulang, lalo na kung unti-unti nang kinakalas ng magulang ang kanyang kamay upang dahan-dahang matutong lumakad at magsarili. Ang mabuting magulang ay hindi hadlang kundi hudyat at tagapagtaguyod ng paglaki, pag-unlad at pagsasarili ng anak balang araw.

 

Nakakagulat minsan ang ilang bata na tila ba hinog o mature sa kamalayan. Maaaring dahil sa gabay ng mabuting magulang. O baka dahil dala ng pangangailangan o bunsod ng mga pangyayari. Tiyak, dahil din sa pagpapala ng Espiritu ng Diyos.

 

Maging tulad tayo ng bata… hindi “pabebe” ha, hindi pa-cute lamang, kundi tulad ng batang nagtitiwala sa ating Ama, at natututo sa kanya na lumago at tumayo sa sariling paa. Amen.

 


 

 #ourparishpriest 2023

 

Comments

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS