PAPUGAY: DANILO "BRO. DANNY" HERNANDEZ, TRUE BROTHER AND FRIEND!
DEC 30, 1967 - JAN 2, 2023
"A friend loves at all times, and a brother is born for a time of adversity." (Prov 17:17)... a truer, more loyal, more faithful, more genuine friend i cannot find in all the world... rest in peace and enter your deserved reward. you brought Jesus to so many of us. you bring half of my heart with you to heaven, dear brother-of-my-soul! thanks for all the love!
Pagninilay-papugay sa Matalik na Kaibigang si Danny Hernandez:
Bagamat hindi ko matandaan kung paano tayo unang nagkakilala (palagay ko, dahil kay Weng), paano ko makakalimutan kung paanong naging matalik kang kaibigan. Sabi nila, “salamat, father, at minahal mo aking asawa, ang aming daddy, ang aming tito…” Mas tama yatang sabihin, na si Danny ang unang nagmahal sa kaibigan at hindi ako. Inaabangan niya ang pag-uwi ko sa seminaryo buwan-buwan para makapagkwentuhan. Hanggang para naman makabawi, dito naman ako dumidiretso sa bahay ninyo bago ako umuwi sa amin. Siyempre may mga pagkakataon na siya pa din ang dumadalaw sa aming bahay kasama ang mga barkadang si Pepeng at si Joey, na nakilala ko sa tulong ni Danny. May panahon pa ngang ginabi na si Pepeng at Danny na doon na sila natulog sa amin. Napansin ng Mommy ko na ang Papang (tatay) ko na mahiyain, laging nagtatago sa tao, at hindi umiimik sa iba, ay naging bantad na at nakikipagkwentuhan kay Danny na parang isang matagal na kaibigan. Ganyan ang batu-balani ni Danny sa tao.
Patpatin pa kaming lahat noon. At hindi naman masyadong tumaba si Danny kailanman, pero magtataka ka kung bakit ang payat, maliit, at simpleng taong ito ay may nag-uumapaw na pagmamahal, pagpapahalaga, at pagkalinga sa kapwa tao. Sino ang tao sa Catmon na hindi naging katekista si Bro. Danny? Sino ang tao sa simbahan, sa coop, sa Praxis, sa baryo, na hindi kilala ang taong unang nambabati, unang lumalapit at unang nangungumusta sa kanila habang naglalakad o kahit nakasakay na sa motor niya? Brother ng lahat, parang si St. Charles de Foucauld na tinawag na universal brother ng Kristiyano at Muslim man; si Danny ay universal brother ng Bulacan!
Kung maaasahan si Danny sa pakikipagkaibigan, higit na masasandalan siya sa kagipitan. Maysakit man o patay dinadalaw, may dala pang regalo o maliit na ambag. Nandoon siya sa lahat ng namatay sa amin kaya parang kamag-anak na ang turing ng pamilya ko sa kanya. Galing ka na ba? Okey na ba ang problema? May maitutulong ba ako? Ipagdadasal natin, yan. Bahala si Lord. At dahil alam niyang nag-iisa ako sa buhay, matiyaga siyang nakikipag-kuwentuhan sa telepono ng 30-40 minutos, hanggang isa-isa’t kalahating oras, hanggang dalawang oras, hanggang maubusan na ng charge ang phone ng isa sa amin.
Bilang kaibigan, ibinukas ni Danny ang kanyang puso at ang puso ng kanyang pamilya sa akin. Lagi niyang inuulit kung gaano kamapagmahal ang kanyang magandang asawa (nasungkit niya ang Ms. La Huerta Paranaque 1965 - joke lang Yolly!), gaano si Yolly kasipag, katiyaga sa mga anak, kabait sa kapwa, at ka-tuliro paminsan-minsan din naman. Hindi siya makapaniwala na nagkaroon siya ng isang DJ na sobrang mature, maka-Diyos, makatao, at maparaan sa buhay. Tila hindi niya naiisip na lahat ng ito ay ugaling minana sa kanya bilang ama at kay Yolly bilang ina. Mahal na mahal niya si Owel at ikinukuwento niya sa akin kung paano ang masahe nito ang nagpapagaan ng stress ng kanyang katawan, ang pagiging maaalalahanin at madaling pakiusapan ang nagpapagaan sa kanyang puso. Hangang-hanga siya kay Amir at halos magbuhat ng sariling bangko kapag ikinukuwento ang katalinuhan, kaguwapuhan, at kagalingan ng bunso. Dahil ako ang nagreto kay Danny at Yolly, isang parusa siguro ang iginanti niya sa akin na ako ang ninong ninyong tatlo. Buti na lang at nakalimutan ninyong mamasko.
Hindi ko maibibigay ang pagmamahal ng isang dakilang ama na tulad ni Danny sa inyo. Pero huwag ninyong kalilimutang nandito lang ako kapag may gusto kayong sabihin, ikuwento, ipagmalaki, o itanong. Gusto kong maalala at madinig ang boses ng tatay ninyo sa pamamagitan ng inyong buhay. Alam kong nais ni Danny na maging suporta at gabay espirituwal ako ninyong tatlo, kaya huwag mahihiyang mag-text, mag-message o tumawag.
Naisip ko noong isang araw, siguro ang saya ng pagkikitang muli ni Pepeng at ni Danny. Sabi siguro ni Danny, “Pareng Pepeng, malungkot na hindi ko makita ang graduation ng mga anak ko; na hindi ko madadaluhan ang kasal nila; na hindi ko mayayakap ang mga apo ko.” At sabi naman ni Pepeng: “Pareng Danny, huwag kang mag-alala. Dumaan din ako diyan. Tinawag tayo ng Diyos dahil tapos na ang misyon natin doon. Dito tayo magdarasal at gagabay sa kanila. Tayo ang una at pinakamasidhi nilang prayer-partner. Mas malapit tayo kay Jesus, Mary and Joseph kaya lahat ng bagay ay magiging mabuti. At kahit nasa langit na tayo, tayo pa rin ang asawa, ama, kapatid, kaibigan, at kasama nila at lalo tayong napakalapit sa kanila sa diwa at kaluluwa. Wala sa haba ng buhay ang kahulugan at saysay ng buhay kundi doon sa tindi ng pagmamahal na ipinunla at pinayabong natin habang tayo’y nabubuhay.”
May tatlong taong yumao na hinihingan ko ng panalangin araw-araw. Isang matandang banal na katekista, si Ka Luring, at dalawang madreng kaibigan ko. Sabi ko: Ka Luring, Sister Amy, Sor Susana, ipanalangin ninyo ako. Kahapon, idinagdag ko ang pangalan ni Danny at kinilabutan ako nang sabihin kong: Danny, pray for me. Kinilabutan ako kasi alam kong totoong may Danny sa langit na nagdarasal, nagmamahal, nagmamalasakit, at pumapatnubay sa akin sa lupa. Nandoon siya, at alam kong sumasagot siya: “Huwag kang mag-alala father, friend, kumpare. Kaya ni Lord yan. Ipagdarasal ko yan.”
Lord, salamat sa kaibigan, kumpare at kapatid na si Danny. Dumaan sa buhay namin ang isang gintong kaloob mo, kaya salamat po talaga. Danny, pray for me; pray for us. Alam kong tahimik ka na diyan, panatag at maligaya kasi kapiling mo ang pinaglingkuran mo at una’t higit na minahal – ang ating Poong Maykapal. Walang goodbye, Danny. Kasama ka lagi dito sa puso; kaugnay ka lagi dito sa kaluluwa.
Jan. 5, 2023
Paputol-putol na isinulat sa gitna ng maraming luha…
Danny was model
catechist and parish servant, committed worker and provider, faithful
husband, loving father, loyal disciple of our Lord Jesus Christ, and
because of that, "universal brother" - Brother Danny ng buong bayan!
#ourparishpriest 2023
Comments