SAINTS OF JANUARY: SAN VICENTE, DIYAKONO


ENERO 23



SAN VICENTE,
DIYAKONO (DEACON) AT  MARTIR

A. KUWENTO NG BUHAY

Ang ating bayaning ito ng pananampalataya ay isang mamamayan ng bansang Spain at doon nagsimula at natapos ang kanyang buhay.

Ipinanganak si San Vicente sa Huesca, Spain at nang lumaki ay naging isang diyakono (tulad ni San Esteban sa Gawa ng mga Apostol) sa simbahan ng Saragossa, Spain.  Nagbuwis siya ng buhay para sa pananampalataya niya kay Kristo sa lungsod ng Valencia, Spain noong Enero 22, 304. Siya ay nagdusa ng pag-uusig sa ilalim ng Emperador Diocletian at Maximian.

Ayon sa salaysay ng kanyang kamatayan, pinarusahan siya ng katakut-takot na pahirap sa katawan subalit matapang niyang pinagsabihan ang nagpaparusa sa kanya.  Buong tapang niyang kinausap si Dacian, ang gobernador ng Spain noong panahong iyon, sa ganitong pananalita: “Lalo kong nasasaksihan ang galit mo, Dacian, ay lalong lumalakas ang aking kasiyahan. Huwag mo nang isiping bawasan pa ang paghihirap na inihanda mo sa akin nang sa gayon, lalong maging maningning ang aking tagumpay.”

Kaya pati ang nagpaparusa kay San Vicente ay namangha sa kanyang taglay na kagitingan at iniutos niyang tigilan na ang parusa kay San Vicente, bigyan siya ng mahihigaan at nang sa gayon ay unti-unting magkamalay at gumaling.  Pero hindi ito tinanggap ni San Vicente. Siya ay isang kawal ni Kristo at balewala ang kanyang buhay kung hindi naman siya patuloy na makapagbibigay saksi sa Panginoon.

Matapos ang marami pang torture na pinalasap sa kanya, na tila hindi mawari ng isip ng tao sa tindi, pumanaw siya at pumasok ang kanyang kaluluwa sa kaluwalhatian ng langit.

Tatlong mahahalagang diyakono ang pinarangalan ng simbahan mula pa noong una. At ang tatlong ito ay mga diyakono mula sa ibat-ibang lugar: si San Esteban ng Palestina (Israel), si San Lorenzo ng Roma (Italy) at si San Vicente ng Valencia (Spain).

Nabanggit ng makatang si Prudentio ang buhay ni San Vicente. Si San Agustin naman ay laging nangangaral tungkol sa kanya tuwing kanyang kapistahan. Binigyang-diin ni San Agustin na si San Vicente ay nagsabuhay ng pangako ng Panginoon sa Mabuting Balita ni San Mateo.  Sa iisang katawan ni San Vicente, tila daw dalawang tao ang nagbigay ng saksi sa Diyos – ang isang katawan ay pinahihirapan sa torture at ang isang katawan naman ang nagsasalita laban sa nagpapahirap sa kanya.  Ang katawan ni San Vicente ang nagdurusa pero ang Espiritu Santo naman ang nagbibigay saksi sa kanyang pananampalataya.

Sa Paris, France pinararangalan ang ala-ala ni San Vicente sa simbahan ng St. Germain dahil minsang inilagak sa simbahan na ito ang damit o istola ni San Vicente.



B. HAMON SA BUHAY

Tandaan natin na ang katuwang natin sa ating mga pagsubok sa buhay ay walang iba kundi ang Diyos Espiritu Santo.  Ipagkatiwala natin sa kanya ang ating sarili kapag tila hindi na natin kaya ang mga problema ng ating buhay. Bibigyan Niya tayo ng liwanag at tutulungang makalampas sa anumang hilahil at balakid. Lagi nating dasalin: Halina, Espiritu Santo!

Maging malakas nawa ang ating loob sa pagsubok tuwing maaalala natin ang buhay ni San Vicente.



K. KATAGA NG BUHAY



Mt.10: 19-20
Pag isinakdal naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. 
 
 (mula sa "Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)

Popular posts from this blog

HOLY MASS IN FILIPINO (TAGALOG)

SIMBANG GABI DAY 1: READINGS AND REFLECTIONS

SIMBANG GABI DAY 2: READINGS AND REFLECTIONS