SAINTS OF JANUARY: SAN JUAN BOSCO
ENERO 31
A. KUWENTO NG BUHAY
Tunay na modernong santo itong si San Juan Bosco dahil
akmang-akma ang kanyang buhay at mensahe sa mga kabataan noon at pati ngayon.
Moderno din siyang matatawag kasi makikita rin kung ano ang itsura niya sa
maraming larawan na naiwan niya noong nabubuhay pa siya. Madaling hanapin sa
internet ang anyo ni Don Bosco noong nabubuhay pa siya (Don Bosco ang magiliw
na tawag sa kanya; ang “Don” ay tawag sa mga pari sa Italya).
Sa Pilipinas ay may mga paaralan na tinatawag na Don Bosco
at kilala ang mga ito sa husay sa pagtuturo ng technical skills at moral values
sa mga kabataan. Kilala din ang
mga Don Bosco schools sa pagtulong sa maraming mga mahihirap na kabataaan mula
Luzon hanggang Mindanao upang makaahon sila sa hirap at maging mabubuting
Kristiyano at mamamayan.
Sa diyosesis ng Turin nagmula si San Juan Bosco. Matapos na
siya ipanganak noong 1815, namatay ang kanyang ama pagkatapos ng 2 taon lamang
at naiwan siya sa kalinga ng kanyang inang si Margaret.
Ang kanyang ina ay naging tunay na gabay at inspirasyon kay
Don Bosco. Siya ang unang nagturo sa kanya at nagsumikap upang kamtin ni Don
Bosco ang isang mabuting edukasyong Kristiyano at makatao. Mahal si Margaret ng mga tagasunod ni
Don Bosco at maaaring isang araw tanghalin din ng ating simbahan bilang santa
ang ina ni Don Bosco.
Mahirap ang buhay na kinagisnan ni Don Bosco habang lumalaki
siya kaya nga noong maging pari siya ay nakatuon ang kanyang puso sa mga
mahihirap na batang lalaki at babae na nais niyang matulungan upang magbago at
umunlad ang buhay.
Pati ang pagpasok ni Don Bosco sa seminaryo ay naging
posible lamang dahil sa tulong ng isang taga-suporta. Nang maging pari si Don
Bosco hindi nagtagal at itinatag niya ang Society of St. Francis de Sales
(tinatawag ngayong Salesians of Don Bosco), isang religious congregation ng mga
pari at brothers para tumulong sa paghubog ng mga kabataang lalaki. Sa tulong ni Santa Maria Dominica
Mazzarello, itinatag din niya ang Daughters of Mary, Help of Christians, isang
religious congregation ng mga madre upang asikasuhin naman ang pangangailangan
ng mga kabataang babae.
Tunay nga na naging “Apostle of the Youth” itong si Don
Bosco. Buong buhay niya ay para sa
kapakanan ng mga kabataan na hinangad niyang hubugin sa buhay Kristiyano at sa
mga sining para sa kabuhayan.
Isa sa mga lagi niyang binigyang diin sa kanyang mga kasama
ay ang ugali ng kabaitan para sa mga kabataan, na dapat ituring ang mga ito
bilang sariling mga anak nila. Talagang damang-dama ni Don Bosco ang pagiging
ama ng mga kabataan. Minsan ay nasabi niya: “Tandaan ninyo, anuman ako, ako ay
para sa inyo, araw at gabi, umaga at gabi, at sa lahat ng sandali.”
Mula sa inspirasyon niya ang sistema sa edukasyon na
tinatawag na “preventive pedagogy” na ang layunin ay mai-iwas ang mga kabataan
sa masama, at pangalagaan sila sa tulong ng pang-unawa at sa paggalang sa
kanilang kalayaan habang tinuturuan sila ng mga moral values.
Isa sa mga sikat na kabataang napailalim sa pangangalaga ni
Don Bosco ay si Santo Domingo Savio (St. Dominic Savio), na noon ay nag-aaral
sa isang paaralan ng mga Salesians. Sabi ni Santo Domingo Savio tungkol sa
sistema ng edukasyong tinanggap niya mula kay Don Bosco: “Dito ang kabanalan ay
ang pagiging masaya at ang perpektong pagtupad ng mga tungkulin hanggat maaari.” Nang mamatay si Santo Domingo Savio, si
Don Bosco ang sumulat ng kanyang buhay.
Nakilala din si Don Bosco sa pagsusulat ng mga pamphlets at mga
munting babasahin para sa pagtatanggol ng pananampalataya. Namatay siya noong
1888.
Malapit sa aking puso ang mga Salesians dahil minsan akong
nagturo sa kanilang seminaryo at dahil naging kaibigan ko ang mga estudyante
doon na sina Fr. Brian Butanas, Fr. Arvin Paz, Fr. Jay David, Fr. Jerry Santos,
Carlo Molina at iba pa. Nakilala ko rin sina Fr. Peewee Lazatin, Fr. Rex
Carbilledo, Fr. Jess Escala, Fr. “Degs” de Guzman, at iba pa. Banal, mababait
at masisipag ang mga Salesians, ang mga pari at brothers ni Don Bosco.
B. HAMON SA BUHAY
Sa ating mga pamilya ay may mga kabataang maaari nating
akayin sa Panginoon. Ano ang ginagawa natin upang turuan sila ng mabuti? Ginagabayan
ba natin sila sa kanilang mga hakbang tungo sa pagiging responsableng mga tao at
Kristiyano?
Sa tulong ni San Juan Bosco, maging sariwa at bata sana muli
ang ating pananaw sa buhay.
K. KATAGA NG BUHAY
Jn 10: 11
Ako ang mabuting pastol. Nag-aalay ng kanyang buhay
alang-alang sa mga tupa ang mabuting pastol.